AFP nakaalerto na sa pagpasok ng bagyong Siony RESPONSE TEAMS DINEPLOY NG NOLCOM

UMAABOT sa 249 response teams ang ipinadala ng Northern Luzon Command (NOLCOM) sa iba’t ibang lugar sa bansa bilang paghahanda sa Bagyong Siony.

Napanatili ng Tropical Storm Siony ang lakas nito habang nasa bahagi pa rin ng Philippine Sea at halos stationary o hindi gumagalaw na posibleng manalasa sa Northern Luzon.

Inaasahang lalakas pa ito at magiging severe tropical storm sa susunod na 24-oras bago ang inaasahang landfall sa hilagang bahagi ng Pilipinas kaya’t hindi nagbaba ng alerto ang AFP-Northern Luzon Command.

Nabatid na hindi inalis ang mga sundalo na naka-deploy sa areas na nasa north of Metro Manila at nanatiling nasa full alert status bunsod ng panibagong banta ng bagyo matapos humagupit ang Super Typhoon Rolly.

Ayon kay Major General Arnulfo Marcelo Burgos Jr., commander ng AFP Northern Luzon Command, bagama’t hindi magiging singlakas si Siony kumpara sa bagyong Rolly, kailangan tiyakin pa rin na handa ang kasundaluhan, sailors, airmen at marines sakaling kailanganin na rumesponde saan man o anomang oras.

Paliwanag pa ni Mgen Burgos; “There is no substitute to long drawn planning and preparation.”

Base sa pagtataya ng PAGASA, hindi inaalis ang posibilidad na lumakas pa ang bagyong Siony at umabot sa typhoon category kaya nanatiling activated ang 249 Disaster Response Teams na strategically deployed sa buong Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera Administrative Region, gayundin sa iba’t ibang Maritime Areas sa West Philippine Sea, Batanes Group of Islands at Philippine Rise sa Pacific Ocean.

Bukod dito, inihayag din ni Burgos na tuloy-tuloy ang kanilang koordinasyon ngayon sa iba’t ibang local government units at line agencies.

“We are closely working with NGOs, one of which decided to preposition three truckloads of relief goods here in Camp Aquino before ‘Rolly’ struck, something which we are planning to replicate before ‘Siony’ arrives,” ayon pa sa heneral. (JESSE KABEL)

177

Related posts

Leave a Comment