PINAWI ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba ng publiko kaugnay sa kumakalat na haka-hakang posibleng targetin ng Iran ang Pilipinas, partikular ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site.
Ayon sa pamunuan ng AFP, walang anomang credible threat o intelihensiyang impormasyon na nagsasabing may bantang pag-atake laban sa bansa. Iginiit ng Philippine Navy Spokesperson for West Philippine Sea na si Roy Vincent Trinidad na ang sigalot sa Gitnang Silangan ay isang regional conflict at walang direktang kinalaman ang Pilipinas dito.
Ipinaliwanag ni Trinidad na ang pinakamalakas na missile system ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ay may abot lamang na humigit-kumulang 2,000 kilometro, samantalang nasa tinatayang 7,500 kilometro ang layo ng Pilipinas mula Iran. Dahil dito, malinaw aniyang walang kakayahan ang naturang armas na maabot ang teritoryo ng bansa.
Muli ring nagbabala ang AFP laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon na naglalayong maghasik ng takot at makasira sa pambansang pagkakaisa. Binigyang-diin na ang kooperasyon sa ilalim ng EDCA ay nakatuon sa humanitarian assistance, disaster response, interoperability training, at pagpapalakas ng depensang panteritoryo.
Sinang-ayunan ito ng foreign policy expert na si Renato de Castro ng De La Salle University. Ayon sa kanya, masyadong malayo ang Pilipinas upang tamaan ng missile mula Iran. Aniya, batay sa datos ng CSIS Missile Defense Project, ang Soumar long-range cruise missile ng Iran ay may abot lamang na 2,500 hanggang 3,000 kilometro.
Dagdag pa ni De Castro, wala ring proxy state o non-state actor ang Iran sa bahaging ito ng mundo na maaaring magdulot ng agarang banta sa Pilipinas. Ang mga kumakalat na pahayag sa social media, aniya, ay walang sapat na batayan at hindi dapat agad paniwalaan.
Nauna nang umikot online ang espekulasyon na maaaring madawit ang ilang EDCA sites sa bansa sa sigalot ng Estados Unidos, Israel, at Iran. Kabilang sa mga pasilidad ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Benito Ebuen Air Base sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, at Lumbia Airport sa Cagayan de Oro.
Maging Mahinahon – Marcos
Sa gitna ng tensyon, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagpipigil sa lahat ng partidong sangkot sa alitan sa Gitnang Silangan.
Nilinaw ng Pangulo na hindi mananawagan ang Pilipinas ng ceasefire dahil hindi ito kabilang sa mga direktang sangkot sa labanan. Gayunman, umaasa aniya ang bansa na agad magwakas ang krisis.
Binigyang-diin din ng Malacañang na walang nakikitang direktang banta sa Pilipinas. Ayon sa National Security Council, walang American military bases sa bansa at ang mga pasilidad sa ilalim ng EDCA ay nananatiling pag-aari at kontrolado ng AFP.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaan ang mga kaganapan sa Middle East habang nananatiling kalmado ang sitwasyon sa Pilipinas.
(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)
1
