NAHAHARAP ang top aide ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr. sa kasong paglabag sa Republic Act 10168, o “Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012,” umano’y pagbibigay ng pagkain at pera sa teroristang grupo na New People’s Army (NPA).
Inakusahan si Benjie Tocol, kanang-kamay ni Haresco ng paglabag sa Sections 4 at 8 (ii) ng RA 10168, batay sa kasong isinumite ng Criminal Investigation and Detection Group Aklan Provincial Field Unit (CIDG-PFU), na kinatawan ni PMSG Bella Ladera.
Inihain ni Ladera ang reklamo laban sa aide ni Haresco, kasama sina Rosanna Inaudito, alias Ka Dayan/Ann-Ann, at Jose Edwin Guillen, na kinilala bilang officer ng Coronacion Chiva “Waling-Waling” Command ng NPA sa Panay Region, sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila.
Ayon sa reklamo, ibinulgar ni Brince Gegodas, isang naarestong miyembro ng NPA, na inutusan siya ng tauhan ni Haresco na maghatid ng pera at grocery kay Guillen sa Ceres Terminal sa Kalibo, Aklan, noong Abril 2023. Sa entrapment operation na humantong sa paghuli kay Gegodas, namataan ng mga operatiba ang tauhan ni Haresco. Nang lapitan ng awtoridad, nagpakilala si Tocol bilang tauhan ni Haresco at humingi ng pahintulot na umalis sa lugar.
Matapos pumayag sa plea bargaining agreement, pinakita ni Gegodas sa awtoridad ang call logs ng kanyang usapan sa tauhan ni Haresco at Guillen para suportahan ang kanyang testimonya.
