AKSYON NI CASTILLON
ANG bansang Dubai ay isa sa mga lugar na gustong puntahan ng ating mga kababayan upang makapagtrabaho sapagkat hindi masyadong mahigpit ang mga patakaran na ipinapatupad ng kanilang awtoridad at naturingan na nga itong “open country”. Subalit nitong mga huling buwan, naging talamak ang pagpunta ng mga OFW sa Dubai kahit hindi maayos ang kanilang mga papeles at kung minsan ay hindi dumadaan sa lehitimong ahensya. Ito ay lubhang nakababahala at kailangang mapansin ng ating gobyerno upang hindi na lumala ang kasalukuyang sitwasyon.
Maraming paraan ang ginagawa ng mga OFW upang makapunta sa bansang Dubai na saklaw ng isang “cross-country scandal”. Isa dito ay ang direktang pakikipag-usap sa mga indibidwal o kompanya na pwede nilang mapuntahan at siya ring magbibigay ng trabaho. Kadalasan ay ginagamit ang tourist visa para makapasok sa bansa at kung minsan naman ay sa pamamagitan ng stop-over kapag ang byahe ng eroplano ay connecting flight.
Malaki ang problemang naidudulot nito sa recruitment agencies sapagkat imbes na umuwi sa Pilipinas ang mga OFW ay dumidiretso sila sa bansang Dubai at hindi na nakikipag-ugnayan sa ahensya. Kapag nagkaroon ng matinding problema sa kanilang mga amo ay nagiging doble ang perwisyo dahil obligado pa rin ang ahensya na tutukan ang kapakanan ng OFW kahit ito ay nag-cross-country. Hindi na rin sakop ng mandatory OFW insurance ang ganitong klaseng insidente.
Mahigpit na ipinapaalala sa ating mga kababayan na ang ganitong uri ng gawain ay isang illegal recruitment. Ang mga sangkot sa kontrobersiya na ito ay maaring maharap sa patong-patong na kaso at maparusahan ng pagkakakulong ng mahabang panahon. Kapag nahuli naman ng immigration officer ang isang OFW na mayroong tourist visa samantalang siya ay dumaan sa isang ahensya, ito ay hindi papayagan na makaalis. Maari pa itong maimbestigahan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) o National Bureau of Investigation (NBI) dahil posibleng biktima ito ng illegal recruiter. Mayroon din namang pagkakataon na ang OFW ay kasabwat ng agency sa gawain na ito.
Maaring magsampa ng reklamo ang recruitment agency sa Department of Migrant Workers (DMW) laban sa isang OFW na gagawa ng kalokohan na ito. Ang kaso ay tinatawag na Disciplinary Action against Worker (DAW) na kung saan pwedeng maparusahan ang inirereklamo kapag napatunayan na nagkasala. Maaring hindi na ito papayagang makapag-abroad habang dinidinig ang kaso.
Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com
