NATAPOS na rin ang halos dalawang linggong paghihintay ng San Miguel Alab Pilipinas kay Justin Brownlee, nang dumating ito kahapon ng umaga mula sa Estados Unidos.
Ang Brgy. Ginebra resident import ay agad sumalang sa praktis ng koponan sa Kerry Sports Gym sa BGC, ayon kay head coach Jimmy Alapag.
Lilipad si Brownlee at ang buong koponan patungong Vietnam para harapin ang Saigon Heat sa Linggo (Marso 1) sa pagpapatuloy ng aksiyon ng Asean Basketball League Season 10, kung saan ang Alab ay nasa ikalawang pwesto (10-6 win-loss record).
Pinawi ng pagdating ni Brownlee ang agam-agam ng Alab officials lalo’t sa Sabado (Pebrero 29) na ang deadline para sa pagpapalit ng rosters ng ABL clubs.
Bukod kay Brownlee, ang dalawa pang reinforcement ng Alab ay sina Nick King at John Fields, na dinala ang Singapore Slingers sa finals appearance sa nakaraang season.
Pinalitan ni Fields si 7-foot-5 Sam Deguara.
Ang 31-anyos na si Brownlee, kasama si Renaldo Balkman at Ray Parks ang nanguna sa Alab Pilipinas nang magkampeon sa ABL noong 2018.
Natalo ang Alab sa Kuala Lumpur sa Malaysia, pero nakabawi kontra Saigon noong Linggo sa Sta. Rosa, Laguna.
Hindi nakarating noong Pebrero 17 si Brownlee, at maging bago ang laro kontra Saigon noong Pebrero 23 nang mabigong makabalik agad mula sa Amerika.
Gaya nang pag-akay niya sa Ginebra sa ikatlo nitong PBA Governors’ Cup championship, inaasahang malaki ang maiaambag ni Brownlee sa kampanya ng Alab Pilipinas sa 2020 Asian Basketball League. (VT ROMANO)
243 