ALCANTARA, HERNANDEZ, MENDOZA, DISCAYAS PASOK NA SA WITNESS PROTECTION – DOJ

ISINAILALIM na sa Witness Protection Program (WPP) ang limang indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects matapos magprisinta ng ebidensiyang posibleng bumulaga sa malalaking personalidad sa gobyerno.

Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kabilang sa mga protektado na ngayon sina dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.

Tumindig ang kredibilidad ng grupo matapos personal na magtungo sina Hernandez at Mendoza sa DOJ dala ang CPU na puno umano ng dokumento at ebidensiyang mag-uugnay sa iba pang “big names” sa kontrobersyal na proyekto. Dahil sa banta sa kanilang buhay, agad silang isinailalim sa custody ng DOJ kasama ang pamilya.

Giit ni Remulla, bagama’t dumaraan pa sa mahabang proseso ang pagiging state witness, tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang kanilang kaligtasan. “Obligasyon ng estado na protektahan ang mga testigo kahit wala pang pinal na desisyon,” aniya.

Dagdag pa ng kalihim, natural lamang na hilingin ng taumbayan ang pagbabalik ng nakurakot na pera. “Kung may mapatunayang katiwalian, dapat may restitution. Iyan ang hinihingi ng bayan, at dapat pakinggan ng gobyerno,” diin ni Remulla.

Ngayon pa lang, marami ang nag-aabang kung sino-sinong malalaking pangalan ang babagsak kapag sumabog na ang lahat ng ebidensiya mula sa CPU ng mga testigo.

JBC Clearance

Samantala, kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hawak na niya ang clearance mula sa Office of the Ombudsman — isa sa pangunahing requirement ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa posisyon ng Ombudsman.

“May clearance na. Nasa JBC na,” pahayag ni Remulla sa isang press briefing.

“I will not conclude anything. It’s self-serving to conclude anything, pero I have clearance already,” dagdag pa niya nang tanungin kung nangangahulugang wala na siyang nakabinbing kaso sa Ombudsman.

Matatandaang noong Mayo 2025, naghain ng reklamo si Senador Imee Marcos laban kay Remulla at ilan pa kaugnay ng umano’y iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso.

Ibinasura ng Ombudsman ang reklamo ngayong buwan. Gayunman, naghain ng motion for reconsideration si Marcos noong Setyembre 12 para muling balikan ang kaso.

Sa kabila nito, kumpiyansa si Remulla na malinaw na ang kanyang record sa Ombudsman — at nakasalalay na lang sa JBC ang kanyang aplikasyon.

(JULIET PACOT)

57

Related posts

Leave a Comment