CAVITE – Patay ang isang 34-anyos na lalaki makaraang barilin ng kapitbahay nitong pulis nang tangkaing saksakin ang huli habang nagwawala sa kanilang lugar sa Gen. Trias City sa lalawigang ito.
Isinugod sa Gen. Trias Doctors Hospital ang suspek na si Joseph Buniel ng Gen Tree Villas, Pasong Kawayan 1, Gen. Trias City dahil sa tama ng bala ng baril mula kay Corporal Christopher Barte, miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Gen. Trias City Police, ngunit hindi umabot nang buhay.
Ayon sa ulat ni Corporal Ruelord Magbitang ng Gen. Trias Police, dakong alas-7:00 noong Huwebes ng gabi nang tawagin si Barte ng kanyang mga kapitbahay na sina Johara Noni Bandojo, 33, at Luiresio Buniel Jr., 67, dahil sa paghuhuramentado ng suspek at tangkang pananaksak sa kanila.
Agad namang nagresponde si Barte at nang tangkang pahupain ang suspek ay sinugod siya ng saksak kaya pinaputukan ito ng pulis. (SIGFRED ADSUARA)
161
