ANG ADAPTATION AY PARA SA FANS, HINDI LANG PARA SA VIEWS

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MARAMING taon na ang lumipas mula nang mabasa ko ang “I Love You Since 1892” sa Wattpad. Isa ito sa mga kwento na tumatak sa akin bilang mambabasa. Hindi lang dahil sa kwento, kundi dahil sa tiwala at koneksyon na binuo ng author sa mga tagasubaybay niya. Si Binibining Mia, o kilala rin bilang Undeniably Gorgeous, ay hindi lang basta nagsulat ng nobela, nagtayo siya ng mundo na sinamahan namin mula umpisa hanggang dulo. Kaya nang lumabas ang cast mula sa Viva, at hindi MarNella ang gaganap, parang biglang nawala ang koneksyon namin sa kwento.

Hindi simpleng issue ito ng “adaptation lang naman ‘yan.” Kasi kung ganun lang, walang problema. Pero ang totoo, may pangakong binitiwan noon. Si Binibining Mia mismo ang nagsabi sa mga reader niya na sina Janella Salvador at Marlo Mortel o kilala bilang MarNella, ang peg niya para sa mga karakter. Mula pa sa umpisa, ito na ang na-imagine naming lahat. Bawat eksena sa

Wattpad ay nabuo sa isip naming may mukha ni Janella bilang Carmela at ni Marlo bilang Juanito. Kaya ngayong hindi sila ang gaganap, parang biglang nawala ang koneksyon namin sa kwento.

Hindi dahil ayaw namin sa mga artista. Pero kasi, mula umpisa, ang pagkakakilanlan ng mga tauhan ay nakatali na sa dalawang artistang ‘yon. Hindi lang ito casting issue. Para ito sa mga taon ng pagbuo ng mundo sa isip naming mga mambabasa.

Oo, maaaring sabihin ng iba na wala namang obligasyon ang author na sundin ang gusto ng readers. Pero ang tanong: kung wala kami, makikilala ba ang kwento? Kung wala ang suporta, aangat ba ito hanggang sa ma-adapt? Minsan nakalilimutan ng production companies at writers na ang tunay na puhunan ng isang kwento ay hindi lang ang ideya, kundi ang mga taong naniwala rito mula simula. Kaya masakit, hindi dahil hindi magaling ang bagong cast, kundi dahil parang binura ‘yung parte ng karanasang sabay naming itinaguyod.

Hindi rin unang beses na ginawa ito ng Viva. Ilang beses na silang nag-adapt ng Wattpad stories pero laging tila may kulang. Parang paulit-ulit nilang kinukuha ang mga Wattpad story, tapos binabago nang todo. Sa totoo lang, nakaiinis na rin minsan. Palaging inuuna ang kung sinong artista ang available, kaysa kung sino ang talagang babagay. Idagdag pa na pareho nang may kanya-kanyang proyekto sina Heaven Peralejo at Jerome Ponce, na parehong galing din sa Wattpad-based series. Hindi ba pwedeng mag-cast ng fresh faces? ‘Yung talagang babagay sa role? ‘Yung makapagbibigay-buhay sa kwento sa paraang totoo sa libro?

Naiintindihan ko, pangarap ng maraming manunulat na makita sa screen ang kanilang gawa. Pero sana, kung gagawin ito, gawin nang maayos. Hindi sapat na basta may adaptation. Dapat may respeto sa orihinal na kwento. Kung wala naman talagang sapat na budget, o hindi available ang tamang cast, baka mas mabuting huwag na lang ituloy kaysa mapanood naming masira ang paborito naming akda. Hindi ito tungkol sa pagiging mabusisi, kundi tungkol sa pagmamahal sa kwento. Ang dami nang Wattpad stories na naiba nang todo. Minsan, mas mabuti pa sigurong manatili na lang ang kwento sa Wattpad, buhay sa imahinasyon ng mambabasa kaysa gawing isang bersyon na hindi na namin makikilala.

Oo, alam kong may limitasyon din. Hindi madali ang casting, hindi madaling i-produce, at hindi lahat ay nasa kontrol ng writer. Maraming desisyong kailangang tanggapin. Pero sana, kung hindi kaya gawan ng tama, ‘wag na lang muna. Kasi walang mas masakit kundi makita ang isang mahal mong kwento, gawan ng bersyon na hindi mo na maramdaman.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin akong deserve ni Binibining Mia ang lahat ng tagumpay. Ito ang pangarap niya, at nakuha na niya. Masaya ako para sa kanya, at masaya ako para sa mga tagahanga na matagal nang naghihintay. Pero sa sarili ko, tapos na ako. Hindi ko na ito susubaybayan. Mananatili na lang ang pagmamahal ko sa orihinal. At kahit hindi ko panoorin ang adaptation, hinding-hindi mabubura ang suporta ko para sa kanya. Sa dulo, umaasa pa rin akong mabigyan nila ng hustisya ang kwento kasi mahal talaga ito ng marami.

133

Related posts

Leave a Comment