ANG MATULUNGING PINOY

At Your Service ni Ka Francis

LUMALABAS ang pagiging matulungin ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad.

Bakit kamo? Nitong nakalipas na pananalasa ng Bagyong Carina na sinabayan ng Habagat at Butchoy, ay marami sa ating mga kababayan ang naapektuhan.

Kabilang sa mga naapektuhan ng malawak na pagbagsak ng matinding ulan ay ang Mindanao, Metro Manila at Central Luzon.

Batay sa natanggap nating impormasyon, mahigit sa isang milyong katao ang naapektuhan, at mahigit sa dalawang daang libong katao ang nawalan ng tirahan dahil sa masamang panahon.

Nakapagtala naman ng labing-apat katao na namatay at marami ang nasugatan sa nabanggit na mga lugar.

Habang nakapagtala ng mahigit sa siyam na milyong pisong damages sa imprastraktura.

Inaasahan na lalo pa itong tataas sa susunod na mga araw.

Buti na lang at lumabas ang mabuting kaugalian ng mga Pilipino, ang pagiging maawain sa kapwa.

Hindi nakatiis ang mga kababayan nating nakaluluwag-luwag at agad nagbigay ng mga pagkain, kumot, damit, mineral water at iba pa sa ating mga kababayan.

Kabilang na rito ang grupo ni Engr. Ed Francisco ng Marikina, na naghatid ng relief goods noong Biyernes, July 26, sa mga residente ng Lower Monterey Hills, Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal.

Nasa mahigit kumulang sa isang libong indibidwal ang nakinabang sa relief operations nina Engr. Francisco.

Bagama’t pribado lamang sila ay ipinakikita nila ang kanilang pagmamahal sa ating kapwa lalo na sa tulad nitong panahon ng kalamidad.

Ang mga ganitong klaseng kaugalian ng mga Pilipino ay nagpapakita ng pagiging malapit ng mga Pilipino sa kani-kanilang pamilya o likas na pagiging mapagmahal ng mga Pilipino sa pamilya.

Hindi natin kayang tiisin na may makikita tayong mga taong hindi kumakain na sinalanta ng bagyo habang tayo naman ay masarap ang kinakain.

Ito naman ang ating pwedeng ipagmalaki sa ibang lahi, ang pagiging maawain nating mga Pilipino sa ating kapwa tao.

Ang pagmamahal natin sa kapwa ay pagpapakita natin na mahal natin si God.

221

Related posts

Leave a Comment