(HULING BAHAGI)
Bilang bahagi ng patuloy na paghimay sa usapin ng pagtaas ng bilang ng mga kalalakihang ‘di nakatatapos ng pag-aaral, susubukan din nating unawain dito ang ilan pang salik na pinapalagay na nagdulot ng trend na ito sa edukasyon.
Ayon sa ilang pag-aaral, tinitingnan na may epekto ang obserbasyon na tila mas nahuhuli ang maturity ng mga lalaki kaysa mga babae.
Dahil dito, isang malaking hamon sa kanila ang pagharap sa mga mabilis na pagbabago ng mga sitwasyon, pati na rin kung sobrang nagiging mahirap o kumplikado ang mga gawain. At alam natin na isang kailangan ngayon para sa mga tinatawag na 21st century learners ay ang kakayahang maging flexible ang gumawa ng iba’t ibang bagay nang sabay-sabay minsan.
Isa pang nakikitang posibleng dahilan ay ang tendensya ng ilang kabataang lalaki na magkaroon ng ekspektasyon na hindi akma sa katotohanan. Halimbawa, ay ‘yung pananaw na hindi naman kailangan ng pormal na edukasyon para magtagumpay sa buhay basta mayroon ka lang abilidad.
Marahil, marami kasi ang nakakuha ng inspirasyon sa kuwento ng exceptional na buhay ng ilang dropouts gaya ni Bill Gates. Pero nalilimutan ng karamihan na nag-iisa lamang si Bill Gates at maaari siyang ituring na hindi pangkaraniwan, o kaya ay exceptional na kaso. Hindi lahat ay maaaring maging si Bill Gates o kaya ay Albert Einstein.
Lumalabas din na karamihan sa mga natitigil sa pag-aaral na kalalakihan ay yaong walang gaanong mga direksyon sa buhay at ni wala sa kaisipan nila ang mga simpleng bagay gaya ng balang-araw ay makatulong man lang sana sa kanilang mga magulang. Ibig sabihin, ‘di gaya ng mga kababaihan na lumalabas na mas mataas ang kanilang kagustuhang gumawa ng mas ikagagalak ng mga taong mahalaga sa kanila gaya ng kanilang mga kapamilya.
Ang resulta, mas kinakikitaan din ng pagkakaroon ng mas matataas na grado ang mga kababaihan kaysa mga kalalakihan dahil nga marahil sa mas malinaw sa mga babae ang dahilan kung bakit kailangan nilang mag-aral.
Ang mga nabanggit na kadahilanan ay ‘di pa naman isandaang porsiyentong tiyak. Mga datos lamang ito sa ilang mga pag-aaral. Maigi pa rin ng mas malalim na pag-aaral sa ating sariling konteksto. Ganunpaman, mainam din na mayroong magawang hakbang bago lumala ang isyung ito. Huwag nating hayaang dumami pa sa ating mga kabataang lalake ang tuluyang mawalan ng gana o oportunidad sa pag-aaral para sa mas balansiyadong pagsulong at pag-unlad ng lipunan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
