MY POINT OF BREW
MUKHANG kaliwa’t kanan ang problema ng LTO nitong mga nakalipas na buwan. Tila nahihirapan yata ang LTO na makagawa ng solusyon sa kakulangan ng suplay ng driver’s license at mga plaka ng sasakyan.
Nagtataka lang ako dahil ang problemang ito ay matagal nang hinahanapan ng solusyon ng LTO noong panahon pa ng yumaong Pres. Noynoy Aquino. Kung hindi ako nagkakamali, nagsimula ang lahat na ito noong nagdesisyon ang dating Department of Transportation and Communications (DOTC) noong panahon ni PNoy, na napapanahon na baguhin ang anyo at disenyo ng mga lisensya ng motorista at plaka ng mga sasakyan. Pinalitan na ngayon ang pangalan ng nasabing ahensya ng gobyerno bilang Department of Transportation (DoTR).
Ayon sa pamumuno ni dating DOTC Sec. Mar Roxas, panahon na raw na baguhin ang mga lisensya ng motorista at ang mga plaka ng sasakyan upang maiwasan ang mga gumagawa ng mga pekeng lisensya at plaka ng sasakyan na kadalasan ay ginagamit sa mga ilegal at kriminal na mga gawain.
Kaya naman sinimulan nila ang nasabing programa sa modernisasyon ng sistema sa LTO, kasama na ang ang pagpapalit ng driver’s license at car plates na mahirap umanong mapeke. May ‘security features’ daw ang pag-imprenta nito upang mahirap gayahin.
Ayun, malamang sa sobrang komplikasyon ng nasabing sistema, tila nagkaroon ng kakulangan sa mga suplay nito. May kinuha kasi ang DOTC noon na supplier nito na pumasa umano sa mahigpit na proseso ng bidding ng LTO. Subalit kinalaunan ay hindi pala nito kayang gampanan at punuan ang pangangailangan nito. Dagdag pa dito ay may kakulangan ng dokumento na kailangan isumite sa Bureau of Customs (BoC) kaya ang mga nasabing plaka ay natengga sa bodega ng BoC.
Ganoon din ang supply ng lisensya ng motorista, nakalipas na ang termino ni Pangulong Duterte ay tila hindi naayos ito. Ang namumuno noon ng DoTR ay si Sec. Arthur Tugade na kilalang isang magaling na negosyante at abogado.
Pasok ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos at itinalaga niya ang anak ni dating Sec. Tugade bilang hepe LTO na si Jose Arturo Tugade. Ang masakit dito ay tila siya ngayon ang pumapasan ng lahat ng problema ng LTO. Kawawa naman. Lumabas tuloy na nagmistulang inutil siya sa namana niyang problema sa LTO.
May isang mambabatas na ang nag-file ng House Resolution No. 926 “to inquire from the Land Transportation Office (LTO) why a shortage is in place, amid reports that drivers have been instructed to just print their temporary driver’s licenses.”
Ang nakalilito pa rito ay bakit nagbitiw ng salita si LTO chief Tugade na tila pinapayagan niya ang publiko na gumawa ng sariling diskarte sa pag-imprenta ng lisensya o kaya naman gumawa ng sariling plaka ng sasakyan? Haller?! Hindi ba’t ito mismo ang dahilan kung bakit gumawa ng polisiya na baguhin ang disenyo at karagdagang ‘security features’ upang maiwasan ang pamemeke nito? Ano ba ‘yan?!
Nais malaman ni BH Partylist Rep. Bernadette Herrera ang mga detalye sa procurement process ng LTO kung bakit paulit-ulit ang nasabing problema sa kakulangan ng suplay ng driver’s license. “We also want to know who were incompetent, negligent and grossly negligent in their duties and responsibilities because they should be held liable and accountable. If they are not the right fit for their jobs, then maybe they could be transferred to positions, roles, or offices which are not as critical as the procurement process,” ang pahayag ni Herrera.
Sa Senado, binatikos din ni Sen. Grace Poe ang mga planong hakbang ni LTO chief Tugade sa pagpayag na maaaring ang publiko na lang ang gumawa ng kanilang sariling plaka ng sasakyan. Nais ni Poe na i-disclose ang lahat ng datos ng vehicle plates and license card backlogs, kasama na nakikitang pangangailangan ng LTO sa mga susunod na taon. Binansagan pa ni Poa ang LTO bilang may “notorious reputation of delivering short of what is expected.” Araykupu!
“Binabayaran ng motorista ang plaka at lisensya. Hindi katanggap-tanggap na sa huli, ang solusyon ay papel na kanya-kanyang imprenta. Hindi dapat taumbayan ang pinahihirapan sa sitwasyon na hindi naman nila kasalanan,” ang giit ni Poe.
Noong ika-20 ng Abril, inamin ng LTO na may mahigit na 5.2 million driver’s license holders ay mapipilitan na-isyuhan ng temporary permit na nakaimprenta lamang sa papel dahil nga sa kakulangan ng lisensya na gawa sa matigas na plastic card. Dagdag pa ni LTO chief Tugade, ang natitira lamang sa kanilang imbentaryo na plastic cards ay 147,000 piraso na lamang. Tsk tsk tsk.
Ano na ba ang nangyayari sa LTO? Tila sa ilalim ng administrasyon ni PBBM ay madalas ang kakulangan ng suplay tulad ng bigas, asukal at sibuyas. Ngayon naman ay lisensya ng motorista at plaka ng mga sasakyan. Ano naman kaya ang susunod? Tulad ng isang telenovela ang masasabi ko na lang ay…ABANGAN!
252