RAPIDO ni PATRICK TULFO
MUKHANG hindi lang ang DPWH ang dapat imbestigahan ng Malacañang sa katiwalian dahil sa ‘di umano’y maanomalyang bilyong pisong flood control projects.
Baka hindi pa alam ni PBBM ang isa pang maanomalyang paglalabas ng pera sa Pag-Ibig fund na nagkakahalaga ng anim na bilyong piso (P6 bilyon) na inilagak sa isang naluluging pribadong construction company noong December 19, 2024.
Ayon sa ating mapagkakatiwalaang source, hindi dumaan sa Board of Directors ang naturang investment.
Dalawang mataas na opisyal ng Pag-Ibig ang malilintikan kapag nagkataon, ang isa, na bansagan nating “commissioner”, ay nagretiro na nito lang pagpasok ng Agosto. Samantalang ang isa, na tawagin nating “Manang”, na siyang nag-apruba ng P6-bilyong investment, ay nakatakdang magretiro raw sa darating na Disyembre.
Ilang opisyales ng GSIS at OWWA na nag-invest ng tig-1.4 bilyong piso na walang Board Approval, ay naimbestigahan na at nakasuhan sa Ombudsman at nasibak na sa kanilang mga pwesto.
Nananatiling tikom naman ang bibig ng pamunuan ng Pag-Ibig sa P6-B na investment na ito. Ang tanong ay ano ba ang nilalaman ng kontrata at siyempre sino-sino ba ang mga kumita? Ito na po, mahal na Pangulong BBM ang sagot sa inyong panawagan sa inyong nakaraang SONA.
Samantala, hindi pa man tapos ang isyu ng palpak na Online Driver’s License Renewal System na hindi pa rin naipaliliwanag ng LTO, dumagdag pa ang 11 milyong plaka na nakatengga ngayon sa mga opisina ng Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa.
Ang pangunahing dahilan ay ang pagtigil ng online delivery system.
Ang ginagawa ngayon ng LTO ay ang distribution caravan na isinasagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang sistemang ito ay magulo at pahirap sa mga kumukuha ng kanilang mga plaka.
Hindi naman sang-ayon ang LTO accredited clinics sa sistema ng online tele-consult ng palpak na Online Driver’s License Renewal System.
Dahil kinakailangan daw nilang personal na ma-examine ang mga kumukuha ng lisensiya tulad ng pagsusuri sa mata upang malaman kung talagang fit na magmaneho ang mga ito.
