Anti-Dynasty Bill ‘di lulusot sa Kongreso GOBYERNO PINAGSASALUHAN NA NG MAGKAKAPAMILYA

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

NANINIWALA si Senate President Francis Chiz Escudero na masyadong maliit ang tsansa na lumusot ang Anti-Dynasty Bill sa kasalukuyang Kongreso.

Ito’y sa kabila ng mga pagpuna sa social media dahil mistulang pinagsasaluhan na lang ng iilang pamilya ang mga pwesto sa gobyerno.

Sinabi ni Escudero na wala pang bersyon ng panukala na naglalalaman ng malinaw na depinisyon, saklaw at nilalaman ng Anti-Dynasty bill.

Aminado ang Senate leader na maging siya ay produkto ng dinastiya lalo’t minana nya sa kanyang ama ang kanyang unang congressional seat.

Subalit binigyang-diin na siya lamang ang kaisa-isang Escudero na umabot sa posisyon ng Senador.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Escudero na sakaling pagbotohan ang panukala laban sa dinastiya ay tiyak na boboto sya pabor dito.

Pero sa ngayon anya ay hindi mapipigilan ang sinomang magkakamag-anak na kumandidato lalo na sa Senado dahil nasa kamay na rin ng mga botante ang kanilang tagumpay.

Aminado pa si Escudero na bagama’t nasimulan na sa BARMM at SK Elections ang pagpapatupad ng Anti-Dynasty Law ay mahirap pa rin itong balangkasin sa national level.

Maging sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay hindi pinansin ang naturang panukalang batas.

Sa kabila nito, walang plano ang Kabataan party-list na isuko ang panukala dahil muli umano nila itong ihahain sa susunod na Kongreso kapag hindi ito inaksyunan sa natitirang apat na buwan ng 19th Congress.

Sa record ng Kamara, inihain ni Rep. Raoul Manuel ang House Bill (HB) 1157 o Anti-Political Dynasty Act of 2019 noong noong July 5, 2022 at inendorso ito sa House committee on suffrage and electoral reform.

“Pero pinatulog. Dapat isalang na ito when session resumes in November. Mag-inhibit ang lahat ng kabilang sa political dynasty,” ani Manuel.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa gitna ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga magkakamag-anak sa iba’t ibang posisyon para sa midterm election.

Sa ilalim ng nasabing panukala, isa sa bawat pamilya na lamang ang pwedeng tumakbo tuwing eleksyon taliwas sa kasalukuyang sistema.

Gayunpaman, hindi nagsagawa ng kahit isang pagdinig ang nasabing komite mula nang ihain ang panukala at wala ring kahalintulad na panukala sa Mataas na Kapulungan o Senado.

Dahil sa political dynasties, maraming kwalipikadong Pilipino aniya ang hindi nabibigyan ng pagkakataon na magsilbi sa bayan dahil wala silang laban sa political dynasties pagdating sa election expenses.

Hinamon din ng mambabatas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na lagdaan bilang urgent bill ang nasabing panukala.

185

Related posts

Leave a Comment