ANTI-POGO BILL APRUB DIN SA KAMARA

PINAGTIBAY ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas at iba pang kahalintulad na sugal.

Sa botong 172 pabor, isa ang kumontra at zero abstention, ipinasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 10987 o “Anti-Offshore Gaming Operations Act” at inaasahang isasalang na ito sa bicameral conference committee.

“Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) have become breeding grounds for criminality, corruption, tax evasion, money laundering, human trafficking, moral decay, and national security risks,” ani CIBAC party-list Rep. Bro. Eddie Villanueva.

Lumabas aniya ito sa imbestigasyon ng Quad Committee kaya kasama ang nasabing panukala sa nabuo dahil wala umanong naidudulot na maganda sa mga Pilipino ang sugal na dinala ng mga Chinese national sa bansa.

Unang pinayagan ang POGO noong nakaraang administrasyon sa kagustuhang magkaroon umano ng karagdagang kita ang gobyerno na magagamit sa mga programang mapakikinabangan ng mga Pilipino.

Gayunpaman, naging ugat umano ang POGO para lalong ma-corrupt ang mga tiwaling opisyales ng gobyerno bukod sa mga krimen na dinala ng mga Chinese national sa bansa tulad ng kidnap for ransom, murder, torture at iba pang karumal-dumal na krimen.

“The Filipino people has already suffered a lot the at the grip of an industry built on greed and exploitation. It’s time to stamp out this evil from this country. This bill will permanently prohibit offshore gaming operations in the country,” ayon pa kay Villanueva.

Sinabi naman ni Quad Committee chairman Robert Ace Barbers na mahalaga ang nasabing panukala upang matiyak na hindi na makababalik ang POGO kahit sino pa ang papalit sa kasalukuyang administrasyon.

Kapag naging batas ang nasabing panukala, otomatikong kanselado na ang lahat ng lisensyang ibinigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at hindi rin papayagan kahit magpalit pa ng pangalan ang nasabing sugal.

Nauna rito, inaprubahan na ng Senado sa 3rd and final reading ang panukalang nagsusulong ng permanenteng pagbabawal sa bansa ng lahat ng uri ng POGO.

Bumoto ang lahat ng 23 senador pabor sa approval ng panukala na isinulong ni Senador Sherwin Gatchalian.

(BERNARD TAGUINOD)

36

Related posts

Leave a Comment