Araw-araw may ‘carmageddon’ LCSP SA MOTORISTA: MAGBAON NG PASENSYA

QUEZON CITY — Nagpaalala ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa mga motorista na asahan ang mas matinding pagsisikip ng trapiko ngayong kaliwa’t kanan na ang Christmas parties at dagsa ang pamimili ng mga tao.

Kasabay nito, nanawagan ang LCSP sa mga taxi at TNVS driver na kung maaari ay huwag tumanggi sa mga pasahero at iwasan ang pagkansela ng bookings, dahil malinaw umanong franchise violations ang mga ito.

Aminado ang LCSP na nauunawaan nila ang kalagayan ng mga driver na nais kumita nang mas malaki para sa kanilang pamilya ngayong Kapaskuhan. Gayunman, iginiit ng grupo na bilang public transport, dapat manaig ang tungkuling magsilbi sa mga pasahero.

May tiwala rin ang LCSP sa pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mababalanse nito ang pangangailangan ng commuters at ang hanapbuhay ng mga driver.

Panawagan din ng grupo sa mga pasahero na kung maaari ay mag-unawaan, lalo na tuwing matinding trapiko.

“Basta’t hindi naman nangongontrata, pasaganahin din natin ang Pasko ng mga driver,” ayon kay Atty. Ariel Inton, pangulo ng LCSP.

93

Related posts

Leave a Comment