KUMBINSIDO si Presidential spokesperson Harry Roque na nailagay na sa ibang pangalan ang mga ari- arian ng ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth ) na sangkot sa anomalya sa ahensiya kaya mahirap nang habulin ang mga ito.
Ito ang isiniwalat ng kalihim batay na rin aniya sa naikasa na nilang lifestyle check bago pa lumabas ang pasya ng Ombudsman na itigil na ang lifestyle checks sa mga public official.
Aniya, dahil may alam sa batas ang una nang mga siniyasat na opisyal ng PhilHealth ay nakagawa na aniya ang mga ito ng kaukulang hakbang upang mailagay sa pangalan ng iba ang kanilang ari-arian.
Ilan lang sa mga nabanggit ni Roque na asset na wala na sa pangalan ng ilang PhilHealth officials na idinadawit sa iregularidad ay ang bahay umano ng mga ito sa Baguio.
“At sa totoo lang sa panahon ngayon, unless ikaw talaga’y garapal, ang mga kurakot naman ay magaling nang magtago. Diyan po sa PhilHealth tatapatin ko kayo, nagkaroon kami ng lifestyle check.
Eh siyempre dahil marunong sa batas iyong mga nila-lifestyle check, nailagay na sa pangalan ng iba ‘no. Pero kumpirmado na umuuwi sa bahay sa Baguio, ganiyan ganiyan… na napakalaki pero hindi sa kanya nakapangalan ‘no,” lahad nito.
Hindi naman tinukoy ni Sec. Roque kung sinu-sino ang mga naturang opisyal.
Ang mas importante aniya ngayon ay ang pagpapatupad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil ang AMLC aniya ay may paper trail kapag may pumasok na pera.
Kaugnay nito, nananatili ang posisyon ng pamahalaan na panagutin ang mga tiwaling opisyal ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian sa state insurer.
“There is no let-up in our drive to make erring officials of the Philippine Health [Insurance] Corporation accountable for their alleged misdeeds,” ayon kay Roque bilang tugon sa trending ngayon sa Facebook na #wagkalimutanyungbinulsang15BsaPhilhealthChallenge.
Sa katunayan aniya, ang Department of Justice, sa pamamagitan ng PhilHealth Task Force, ay isinasapinal na ang reklamo laban sa mga opisyal na nasa report na isinumite kay Pangulong Duterte para sampahan ng kaso sa tamang venue.
Kasabay nito, ang composite teams na inatasan na tingnan hindi lang ang PhilHealth Legal Sector ay nagpapatuloy sa kanilang inbestigasyon. (CHRISTIAN DALE)
