LIMANG Filipino boxers ang nananatiling buhay pa ang pag-asa na makakuha ng tiket sa 2020 Olympics makaraaang makaabante sa quarterfinals ng Asia-Oceania Olympic Qualification Tournament sa Prince Hamzeh Hall sa Amman, Jordan.
Ang lima ay sina flyweights Carlo Paalam at Irish Magno, featherweight Nesthy Petecio, middleweight Eumir Marcial at lightweight Riza Pasuit.
Dinispatsa ng soft-spoken at 21-anyos na si Paalam si Afghanistan’s Ramish Rahmani tungo sa unanimous decision, 5-0.
Ipinakita din ng 27-anyos na si Magno ang magandang performance nang magaan na talunin si Winnie Au ng Hongkong sa pamamagitan ng abbreviated RSC2 (Referee Stopped Contest sa 2nd round.
Subalit bumagsak si veteran campaigner Ian Clark Bautista sa kanyang tormentor ng dalawang beses na si Chatchai Decha Butdee ng Thailand tungo sa 0-5 iskor.
Ayon kay ABAP secretary-general Ed Picson, pinuno ng delegasyon, ang pagkakaroon ng lima sa pitong boxers sa quarterfinals ay isa nang magandang tagumpay.
“We didn’t get the draw we were hoping for Ian, and James Palicte had the 2017 Asian champion Uzbek Abduraimov in his first fight, but that’s the way it is,” sabi ni Picson.
“Now we have five, so we will aim for 5 qualifiers for Tokyo. But none of the five fights will be easy,” pag-amin niya.
Sunod na makakaharap ni Petecio si Japanese Sena Irie, kapwa may 1-1 head to head, habang tatapatan ni Magno ang five-time world champion na si Meri Kom ng India, at kakalabanin naman ni Pasuit si No. 3 seed na Chinese na si Wu Yi Shih.
Hindi rin magiging madali ang laban ni Paalam na sasabak kay No. 1 seed Amit ng India habang makikipagbangasan si Marcial kay Mongolia’s Byamba Erdene-Otgonbaatar, umentra bilang propesyunal noong nakaraang taon.
Kinakailangan lamang ng Filipino boxers na magwagi sa kanilang quarterfinal matches upang magkaroon ng automatic berth sa Tokyo Olympics.
Magtatapos ang Asia-Oceania Olympic Qualification Tournament sa Miyerkules. (DENNIS INIGO)
217 