ASSETS NG ‘BGC BOYS’ KAILANGAN I-FREEZE

KUMPIYANSA si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na hahantong sa pagpapatigil at pag-freeze ng assets ng tinaguriang “BGC Boys” na nasasangkot sa katiwalian kaugnay ng flood control projects.

Ayon kay Lacson, umaasa siyang ito ang susunod na hakbang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng lilikhang independent commission na magsisiyasat sa anomalya.

Tiniyak ni Lacson na ihahanda ng kanyang opisina ang lahat ng ebidensyang kailangan ni DPWH Secretary Vince Dizon upang agad na makakilos laban sa mga opisyal ng DPWH na dawit sa maanomalyang proyekto. Gayunman, iginiit niyang kinakailangang may maisampang kaso muna bago maipatupad ang pag-freeze ng kanilang assets.

Paliwanag ng senador, si Dizon o ang independent commission ang maaaring magsampa ng kaso, at handa ang kanyang opisina na isumite ang “daang pahina” ng dokumentaryo at testimonial na ebidensya.

Matatandaang inisa-isa ni Lacson ang umano’y casino escapades ng “BGC Boys” na kinabibilangan nina dating DPWH Region 4A OIC Assistant Regional Director at ex-Bulacan District Engineer Henry Alcantara; Bulacan OIC District Engineer Brice Ericson Hernandez; Assistant District Engineer Jaypee Mendoza; DPWH Engineer II Arjay Domasig; at Edrick San Diego.

Ani Lacson, maaaring maisampa ang open-and-shut cases laban sa lima dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1869, Republic Act 6713, at iba’t ibang memorandum circulars na mahigpit na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na pumasok at magsugal sa mga casino.

Bukod dito, maaari rin silang kasuhan dahil sa paggamit ng pekeng pangalan, pekeng driver’s license, pagtatago ng tunay na pagkakakilanlan, at paglabag sa Anti-Money Laundering Act.

(DANG SAMSON-GARCIA)

59

Related posts

Leave a Comment