ATONG INIWAN NA NI KAPUNAN?

UMUGONG kahapon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na iniwan ni Atty. Lorna Kapunan ang kliyenteng si Atong Ang para maituon nito ang kanyang konsentrasyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa press conference kahapon, nilinaw naman ni Manila Rep. Joel Chua na hindi pa parte ng private prosecutors si Kapunan subalit kasama ito sa maraming law experts na kinokonsulta ng Prosecution Team.

“Sa amin naman kasi, siya (Kapunan) ay pro bono. Hindi pa po parte ng private prosecutor,” ani Chua subalit madalas umano nila itong konsultahin kasama ang ilang private lawyers sa impeachment case laban kay Duterte.

Magugunita na tumayong legal counsel ni Ang si Kapunan nang magsampa ang mga ito ng iba’t ibang kaso laban kay Julie “Dondon” Patidongan na nag-akusa sa negosyante na nasa likod ng pagdukot at pagpatay umano sa mga nawawalang sabungero.

Gayunpaman. Nag-withdraw umano si Kapunan bilang legal counsel ni Ang dahil mas mahalaga rito ang impeachment case laban kay Duterte kung saan inaasahan na kasama siya sa tatayong private prosecutor na maglilitis sa Pangalawang Pangulo.

Samantala, sinabi ni Chua na ginagamit ng kampo ni Duterte ang usapin sa ‘one year ban” rule upang ilihis ang usapin kung saan at papaano nito ginamit ang kanyang confidential funds.

Ayon kay Chua, bagama’t marami na silang paliwanag hinggil sa one year ban rule subalit pilit itong ginagamit ng kampo ni Duterte, hindi lamang sa kalsada kundi maging sa Korte Suprema.

“Ang tanong ko lang, bakit lagi silang nakatingin sa procedural aspect. Bakit hindi nila sagutin yung mismong meat o yung core ng impeachment. Tingin ko nililihis nila yung isyu. Dahil ang isyu talaga dito, saan napunta ang P125 million o yung P612.5 million na hinahanap po na hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag,” ani Chua.

Pinanindigan ng mambabatas na walang nilabag sa one year ban rule dahil ang naunang tatlong impeachment complaint ay hindi inendorso ni House Secretary General Reginald Velasco sa Office of the Speaker kaya hindi kailangang idaan ito sa House committee on justice.

(BERNARD TAGUINOD)

143

Related posts

Leave a Comment