CAVITE – Nadakip ng mga awtoridad ang isang AWOL na pulis at dalawang kasabwat nito sa buy-bust operation, ilang kilometro lamang ang layo mula sa police station sa Imus City sa lalawigang ito.
Kinilala ang arestadong mga suspek na sina P/SSgt. Eduardo del Mundo, dating pulis, nakatalaga sa Tagaytay City Police Station; Gerald Bayadog, 28, at Mark Anthony Ramilo, 35-anyos.
Ayon sa ulat ni Corporal Wilfred Villanueva ng Imus City Police Station, dakong ala-9:25 ng gabi noong Biyernes, nagsagawa ng buy bust operation ang mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit DEU) at SOG-Cavite sa Brgy. Malagasang 2-A Imus City, Cavite, na tatlong kilometro lamang ang layo mula sa police station, kung saan nakipagtransaksiyon ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang sachet ng shabu, .38 kalibreng baril, mga bala, cellphone at buy-bust money.
Ayon sa record ng pulisya, taong 2018 nang mag-AWOL ang pulis hanggang sa luminya sa pagtutulak ng ilegal na droga. (SIGFRED ADSUARA)
