DAVAO CITY – Lumaki ang tiyan at nagkulay dilaw ang balat ng isang seaman nang tumanggi itong magpakasal sa babaeng nakilala niya sa social media na isa umanong mambabarang.
Ang 48-anyos na si Hermalito (apilyedo itinago), residente ng Barangay Maa, nitong lungsod, ay sumangguni sa San Pedro Police Station noong Miyerkoles, upang ipa-blotter ang babaeng si alyas Marimar, taga Barangay 5-A Bankerohan sa nabanggit na lungsod.
Sinabi ng seaman sa duty desk officer, hinihinala niyang si Marimar ang may kagagawan ng kanyang sakit dahil nagbanta itong siya ay ibabarang kapag tumanggi siyang makipagkita at magpakasal.
Aniya, nakilala lamang niya si Marimar sa Facebook ngunit hindi pa sila nagkikita.
Nais umanong makipagkita sa kanya ni Marimar ngunit natakot siya nang sabihin nitong siya ay isang mambabarang.
Dagdag ng seman, bagama’t maganda si Marimar at batang tingnan sa edad na 55-anyos, hindi sila maaaring magpakasal dahil siya ay may asawa na.
Gusto sanang kausapin uli ng seaman si Marimar ngunit hindi na ito makontak sa kanyang Facebook at cellphone kaya naisipan niyang magpa-blotter na lamang sa istasyon ng pulisya. (DONDON DINOY)
334 