Ayon sa Ibon Foundation P237-B DAGDAG KITA KADA TAON SA ‘WEALTH TAX’

MAHIGIT P237 bilyon ang karagdagang perang papasok bawat taon sa pambansang pamahalaan kung papatawan ng maksimum na tatlong porsiyentong buwis ang mga negosyanteng mahigit isang bilyon ang halaga ng kayamanan.

Inihayag ito ng Ibon Foundation sa online forum nito hinggil sa sistema ng taxation sa bansa.

Ayon kay Ibon executive director Sonny Africa, sa konseptong “wealth tax” sa ubod nang napakayamang mga negosyante ay isang porsiyento ang buwis kung ang halaga ng kayamanan nito sa loob ng isang taon ay mahigit P1 bilyon, 2% ang buwis kung mahigit P2 bilyon ang kayamanan at 3% naman kung mahigit P3 bilyon ang kabuuang halaga ng kayamanan.

Ang nasabing wealth tax ay iba pa sa buwis na babayaran ng mga super-milyonaryo mula sa kanilang kinikita sa kani-kanilang suweldo at allowance sa mga kumpanyang pag-aari nila, tubo sa kanilang kita sa iba’t ibang negosyo, dividends, pagbebenta ng stocks at iba pang capital gains.

Batay sa pananaliksik ng Ibon, mayroong 3,000 Filipino na mahigit P1 bilyon ang kabuuang halaga ng kayamanan.

Idiniin ni Africa na higit na napakabuting buwisan ang mga napakayayamang negosyante kaysa pangkaraniwang tao.

Ang binabanggit na super milyonaryo ay pasok sa mga negosyong telekomunikasyon, expressway, food chains, real estate, tubig at marami pang iba. (NELSON S. BADILLA)

 

279

Related posts

Leave a Comment