INIREKOMENDA ni Senador Win Gatchalian sa Department of Agriculture (DA) ang pagbubukas ng bank accounts para sa mga benepisyaryo ng fuel subsidy program upang mapabilis ang pamamahagi ng cash aid sa mga magsasaka at mangingisda at masimulan ang kanilang financial inclusion at access sa mga pautang.
Inihalintulad ng re-electionist na senador ang ideya sa kanyang Senate Bill No. 2251 o panukalang One Filipino, One Bank Account Act na imandato sa government banks ang pagbubukas at pagpapanatili ng bank account ng walang sinisingil na opening at maintenance fees o charges para sa mga Pilipinong walang bank account. Sa panukalang inihain ni Gatchalian, maaaring gamitin ang nasabing bank account sa paghahatid ng pinansyal na tulong mula sa gobyerno.
“Sa paglaganap ng serbisyong pinansyal, mahalaga ang mga bagong pamamaraan ng transaksyon sa pananalapi upang matugunan ang kawalan ng access ng mga indibidwal at organisasyon. Kung may access ang maraming Pilipino sa financial products at financial services, mas mapapabuti ang kanilang kalagayan,” ani Gatchalian.
“Mapapabilis na ang cash transfer ng ayuda, masisiguro pa na sa tamang kamay mapupunta ang pondo ng gobyerno,” dagdag pa ng senador.
Binanggit ni Gatchalian ang ulat ng World Bank hinggil sa pangangailangan ng bansa na kumuha ng mga financial service provider upang palawakin ang mga digital government-to-person payments at tiyakin ang mahusay na pamamahagi ng mga ayuda sa panahon ng krisis.
Sa ulat ng World Bank na pinamagatang “Toward More Accessible and Inclusive Social Assistance Delivery: A Geospatial Analysis in the Philippines,” binigyang-diin dito ang kakulangan ng digital payments infrastructure na nakapagdulot ng kalituhan, pagdoble ng benepisyaryo at pagkaantala sa pamimigay ng social amelioration program (SAP) noong kasagsagan ng mga lockdown dahil sa pandemya ng COVID-19 noong 2020.
Ang mababang bilang ng mga nagmamay-ari ng bank account at kawalan ng national ID system ang ilan sa mga naging balakid sa pamamahagi ng tulong pinansyal, ayon pa sa nasabing ulat.
Ayon sa 2019 Financial Inclusion Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nasa 28.6% lamang ng mga respondent na may edad 15 taong gulang pataas ang may formal account kabilang na ang bangko, e-money, cooperative at microfinance institution accounts, habang 12.2% lamang ng mga respondents ang may mga bank account. Ayon pa sa naturang survey, 71% ang nagsabing nahihirapan sila sa pagbubukas ng formal account dahil sa documentary requirements, habang 58% ang walang maipakitang mga dokumento para sa kanilang mga aplikasyon sa pautang ng mga financial institutions.
Ang unang bahagi ng ipamimigay na ayuda na mula sa P500 milyon na fuel subsidy ng gobyerno para sa sektor ng agrikultura ay nakatakda ngayong buwan at ang pangalawang bahagi ay ipamimigay sa Abril. (ESTONG REYES)
