CAVITE – Tinutugis ng pulisya ang riding in tandem na hinihinalang gun-for-hire, na bumaril at nakapatay sa isang babae sa harap ng anak nito sa Imus City noong Sabado ng gabi.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si alyas “May”, 44, dahil sa tama ng bala sa ulo.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo na tumakas sa ‘di nabatid na direksyon.
Ayon sa ulat, bandang alas-6:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa isang subdibisyon sa Brgy. Malagasang I-G, Imus City, Cavite kung saan ang biktima at anak nitong isang menor de edad ay sakay ng e-bike at pauwi sa kanilang bahay.
Bigla umanong sumulpot ang mga suspek at walang sabi-sabing binaril ang biktima sa ulo na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo sa ‘di nabatid na direksyon.
Ayon sa pulisya, ‘person of interest’ sa insidente ang misis ng live-in partner ng biktima na may kinikimkim na galit sa huli.
Nagsasagawa ng review ang pulisya sa CCTV footage sa dinaanan ng mga suspek para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga ito.
(SIGFRED ADSUARA)
105
