BABAENG NEGOSYANTE PATAY SA AMBUSH

PATAY ang isang ginang na negosyante matapos tambangan at pagbabarilin ng “gun-for-hire” kahapon ng umaga sa M. H. del Pilar St., Geronimo, Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal.

Kinilala ni P/Lt. Col. Marcelino Pipo Jr., hepe ng pulisya, ang biktima na isang Camille Camacho.

Ang mister umano ni Camacho ay kaanak ng tumatakbong vice mayor sa nasabing bayan na si Edgardo “Umpek” Sison.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong 7:40 ng umaga nitong Martes, nang paulanan ng bala ang minamaneho ng biktima na Toyota Hilux na may plakang MDC-8711.

Lumitaw din sa imbestigasyon na nagmula ang biktima sa bahagi ng East Wood at habang tinatahak ang M.H. Del Pilar St., ay doon na ito pinaulanan ng bala ng mga salarin na pinaniniwalaang “gun-for-hire”. Matapos tamaan ng bala ang biktima ay sumalpok ang sasakyan nito sa puno.

Away sa negosyo ang sinisilip ngayon ng mga awtoridad na posibleng motibo sa pamamaslang. (KNOTS ALFORTE)

224

Related posts

Leave a Comment