HINDI pa nagdedeklara si Mayor Sara Duterte – Carpio na tatakbo siya sa pagkapangulo ng bansa sa halalang 2022.
Ang nag-anunsiyo at nagtiyak sa publiko ng “siguradong pagtakbo” ni Sara D. Carpio ay sina Albay Repressentative Joel Salceda, dating Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr.
Si Salceda na kilalang dumidikit sa mga politikong alam niyang ‘mabango’ sa simula, ngunit iniiwanan kapag bagsak ang politikong linapitan ay iniuungos ngayon sa media na siya ay ‘bata’ ni Sara D. Carpio.
Si Andaya naman ang ‘kanang – kamay’, o ‘alalay’ ni dating Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. na pinsan ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Maliban sa dalawa, biglang sumulpot si Gibo, kasama si Andaya, sa Davao City.
Pokaragat na ‘yan!
Mula sa pagkatalo niya sa pampanguluhang halalan noong 2010, biglang sumulpot si Gibo at nagpabakuna sa Davao, samantalang hindi naman siya naninirahan sa lungsod ng pamilya Duterte.
Pagkatapos ng bakunahan, inilinaw ng politikong taga-Tarlac na walang sinabi si Sara D. Carpio na siguradong tatakbo siya sa pagkapresidente ng bansa sa halalan sa Mayo, 2022.
Ngunit, kung sakaling tumakbo ang anak ni Pangulong Duterte ay handa siyang maging bise – presidente nito.
Matindi ang boladas nitong si Gibo.
Kung sakaling magpasya si Sara na lumahok sa halalan ng mga naghahangad na pumalit kay Duterte ay pihadong aabangan ng mamamayang Filipino ang mga ipapangako niya upang iboto siya ng mayorya ng mga botante.
Maunlad na ekonomiya, milyun – milyong trabaho sa mga trabaho, tahimik at maayos na Pilipinas, tuloy ang kampanya laban sa iligal na droga, suporta sa mga magsasaka at maraming iba pa tulad ng mga nakaraang kandidato, kasama na ang kanyang ama.
Ngunit, hindi naganap ang lahat ng mga ipinangako nila.
Totoong umunlad at umangat ang ekonomiya.
Tumaas ang gross domestic product (GDP) simula noong panahon ni Fidel Ramos hanggang bago atakihin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bansa nitong 2020.
Ngunit, ang mataas na GDP na umabot sa higit 6% ay hindi napakinabangan ng mga pangkaraniwang tao.
Simula kay Ramos hanggang kay Duterte ay hindi nakarating ng tatlong beses kada araw sa hapag-kainan ng mga pangkaraniwang tao ang mataas na GDP.
Hindi naibigay ng napakataas na GDP ang disenteng trabaho sa pinakama-raming mga manggagawa sa formal at informal sectors na walang mga trabaho.
Hindi rin napaunlad at naiangat ang buhay ng mga magsasaka, manggagawang – bukid at mangingisda.
Mula sa panahon ni Corazon Aquino hanggang ngayong matatapos na ang termino ni Duterte ay nanatili pa rin ang kahirapan at kagutuman ng substansiyal na bilang ng mga Filipino.
Ang lahat ng pangulo ay kumilos upang mabawasan ang masahol na kawalan ng trabaho ng milyun-milyong Filipino, kumilos tungo sa kapayapaan at kaasyusan ng bansa, hinangad na lutasin ang korapsyon, labanan ang droga at marami pang iba.
Siyempre, ang matindi sa lahat ay si Duterte dahil inaway at pinagmumura niya ang mga drug lord, ang mga korap sa pamahalaan, ang mga tusong kapitalista at hindi niya tinantanan ang kanyang mga kritiko.
Ngunit, ano ngayon ang resulta?
Hindi ba’t sumahol ang mga suliranin ng Pilipinas sa maraming usapin, kabilang na ang korapsyon, droga at ekonomiya.
Kung tatakbo si Sara D. Carpio, anu – ano ang kanyang mga ipapangako sa 110 milyong Filipino na babaguhin sa mga kapalpakan ng kanyang ama?
Aabangan nating lahat ‘yan.
Sabi ni Salceda, mahusay si Sara, magaling magpaliwanag si Sara, pinag-aaralan ni Sara ang kanyang trabaho.
Ibig sabihin: “Change is coming Part 2?”
Pokaragat na ‘yan!
Uulitin ko, anu-ano ba ang babaguhin ni Sara sa mga kapalpakan ni Duterte?
