BINALAAN ni Agriculture Secretary William Dar ang mga manininda ng gulay na kakasuhan sila kung masyadog mataas ang presyo ng kanilang mga paninda.
Ani Dar, “We are already coming up with an economic intelligence to file charges against unscrupulous traders and profiteers”.
Aniya, labag sa batas ang manipulahin at itaas nang husto ang presyo ng mga produkto tulad ng gulay.
Labag din sa batas ang pagtatago ng mga produkto at itataas ang presyo pagkaraan ng ilang araw, patuloy ng kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ang banta ni Dar sa mga manininda ng gulay ay resulta ng mga impormasyong nakarating sa DA na mahigit P100 ang kilo ng mga gulay sa mga palengke.
Nagsimula ang napakataas na presyo ng mga gulay at maging ng mga karne ng baboy, manok, baka, isda at iba pa noong Nobyembre 2020 pa lamang.
Nagpatuloy ito hanggang papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Nang sumapit ang Enero 2021 ay hindi pa rin tumigil ang pagtaas ng presyo ng mga gulay.
Noong Disyembre, nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mapagsamantalang mga negosyante na sasampahan sila ng kaukulang kaso kung mapatutunayang nagtaas ng presyo ng kanilang mga paninda nang lampas sa itinakdang “suggested retail price” (SRP) ng nasabing kagawaran.
Matapos nito ay walang inilabas ang DTI na impormasyon hinggil sa kanilang kinasuhang mga mapagsamantalang negosyante. (NELSON S. BADILLA)
