“IIYAK sila sa budget deliberations sa amin at sa budget hearings, ginagarantiyahan ko sila.”
Ito ang mistulang babala ni Senate President Vicente Sotto III sa mga ahensyang hindi aniya kikilala sa Senate report hinggil sa anomalya sa PhilHealth.
Aniya, dadaan sa butas ng karayom ang budget ng mga sangkot na ahensya ng pamahalaan na hindi kikilalanin ang inilabas na rekomendasyon ng Senate report.
Kasabay nito, ipinagkibit-balikat ni Sotto ang mistulang palusot ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na wala itong kinalaman sa anomalya sa PhilHealth.
“Ikinalulungkot kong sabihin na napakasagwa ng mga palusot nila. Napakasagwa. Anong akala nila, hindi namin binasa ang PhilHealth Law?,” giit ni Sotto.
“Hindi naman talaga bumuboto ang iyong chairman eh. Non-voting, nakalagay doon. O anong klaseng palusot ‘yung dahil hindi pumirma, talagang hindi pipirma, alam niya hindi pipirma. Ang tanong dito, ang ibig mong sabihin, balewala ‘yung mga Zoom meeting na um-attend siya? Zoom meeting na nagbu-bull session ‘yung executive committee at saka ‘yung members ng board? Nandoon siya, may pruweba na um-attend siya,” dagdag nito.
Paliwanag pa ni Sotto na walang kuwenta ang dahilan ni Duque na hindi ito nakikialam sa PhilHealth at tanging kinatawan lamang nito ang dumadalo sa pagpupulong ng ahensya.
Nanindigan si Sotto na hindi nabalewala ang mga pagdinig na isinagawa ng Senate Committee of the Whole tungkol sa mga nangyayari sa PhilHealth. (NOEL ABUEL)
171
