NOONG Martes, sinabi ko sa pitak na ito na nanganganib na ang Taiwan sa China dahil nakita ni Chinese Xi Jinping kung gaano katagal rumesponde ang United Nation at (US) at ang Amerika na kabilang sa North Atlantic Treaty Organization (NATO), sa Ukraine kaya inatake ng Russia.
Marami ang sumang-ayon pero lahat sila ay nagsabi na babala rin sa China ang naging aksyon ng European countries at maging ng Amerika, para parusahan ang Russia.
Pinatawan kasi ng napakaraming parusa ang Russia ng mga bansang hindi sumang-ayon sa naging aksyon ni Russian President Vladimir Putin na pipilay sa kanilang ekonomiya.
Maging ang military organization ng Russia ay tiyak na mapipilay dahil hindi lamang ang Amerika kasama na ang mga Russian oligarch, sa nagpataw ng sandamakmak na sanctions sa kanila, kundi ng mas nakararaming mga miyembro ng EU, Japan at marami pang mayayamang bansa sa mundo.
Tiyak na magugutom ang Russia sa mga parusang ipinataw sa kanila na maaari daw mangyari sa China kapag ginalaw nila ang Taiwan at maging ang Pilipinas dahil sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Mas madaling magutom ang China kapag tinira ng world leaders ang kanilang ekonomiya kumpara sa Russia, kapag ginalaw nila ang Taiwan dahil tulad ng Ukraine, hindi ito superpower na tulad nila.
Ang populasyon ng China ay 1.4 billion habang 145 million lang sa Russia at kung mapipilay ang ekonomiya ng Beijing, mas madali silang magutom kumpara sa mga Russo dahil mas marami ang nangangailangan ng pagkain sa kanilang bansa.
Kapag nagutom ang mga Chinese, malamang ay sumiklab ang rebolusyon sa kanilang bansa at patalsikin nila si Xi Jinping at tapusin ang paghahari ng Communist party sa bansang ito.
Oo nga pala, lima lang sa buong mundo ang itinuturing na superpower pagdating sa military na kinabibilangan ng Amerika, China, Russia, European countries at India.
Sa grupong ito ng mga superpower, ang China ang pinakabago pero baka mawala kaagad sa listahang ito kapag kinuyog sila ng buong mundo at ipataw rin sa kanila ang parusang ipinataw sa Russia para pigilan ang pagpapaunlad ng kanilang military organization.
Kumpara sa China, mas marami at moderno ang warships ng Amerika at kapag isinama mo pa ang lahat ng mga bansa na magtulong-tulong sa kanila, baka sandali lang ay lulubog agad ang military assets ni Xi Jinping na matagal nilang binuo.
Kaya sabi ng mga nakabasa sa atin, isang maliwanag na babala sa China ang kaso ng Russia na hindi porke superpower ka ay katatakutan ka na ng mga bansa sa buong mundo.
Maaaring mas malakas ka sa maraming bansa pero kapag nagtulong-tulong ang maliliit at pinagsama-sama ang kanilang assets, tiyak na mas malaki na sila kaysa iyo.
Kaya dapat huwag daw subukan ng China na galawin ang Taiwan dahil malaki ang posibilidad na mas malala ang sasapitin nilang parusa kaysa kaibigan ni Xi Jinping na si Putin na numero unong kontrabida na sa buong mundo dahil sa pag-atake niya sa Ukraine.
222
