CLICKBAIT ni JO BARLIZO
DISMAYADO ang rainbow community kasi wala na namang mangyayari sa SOGIE Bill sa Kongreso.
Bakit naman natin nasabi ito? Sa pagsama ni Senadora Risa Hontiveros sa kampo ng minorya, malinaw na ang kapalaran ng SOGIE Bill na kanyang agresibong isinusulong.
Sa halip na magkaroon ng tsansang maipasa kung sumapi sana si Hontiveros sa mayorya, ngayon sa kangkungan ang bagsak ng nasabing panukala sa pagsama niya sa kampo ni minority leader Tito Sotto.
Kawawa naman ang mga kapatid nating kabilang sa LGBTQIA+ community na umaasang isusulong at maisasabatas ito ni Risa.
Isa pa, kilala itong si Sotto bilang isa sa mga kritiko ng SOGIE Bill noong siya ay Senate President.
Nagsabi pa nga siya minsan na ang panukala ay may negatibong epekto sa religious freedom at women’s rights.
Ngayon, dismayado na naman ang hanay ng LGBTQIA+ community. Sa pagsali ni Risa sa minorya, lalo lang lumabo ang tsansa na maging batas ang panukalang magbibigay sana ng proteksyon sa kanila.
o0o
Usapang Senado: Nagtatanong ang mga netizen kung bakit siksik-liglig sa committee chairmanship ang maraming miyembro ng majority habang tig-isa lang sina Senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan.
Ang mga nasa minorya naman na kinabibilangan nina Minority leader Tito Sotto, Sens. Hontiveros, Miguel Zubiri, Loren Legarda at Ping Lacson ay mukhang maghihintay ng mga tira-tira o pinagpilian. Iyon ay kung may matitira sa kanila.
Maganda ang punto ng isang netizen na nagsabing, “Bakit kasi dumedepende kung nasa majority o minority ka bago makakuha ng committee chairmanship? ‘Di ba dapat non-partisan ‘yan kasi for the people naman ang end goals nyan?”
Kaya hindi mo masisisi sina Bam at Kiko kung bakit sumama sa majority. Nakuha nila ang komite na gusto nila habang ang iba, nganga.
Hay pulitika sa Pilipinas.
134 