NANAWAGAN si Atty. Alex Lacson sa pamahalaan na bawiin muna ng pamahalaan ang ibinentang shares ng Pilipinas sa Shell at Chevron sa Malampaya na nakopo ng Udenna Group na pag-aari ni Dennis Uy, kaalyado ni Pangulong Duterte.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson, kailangan munang mabawi ang naturang shares bago pumaloob ang pamahalaan sa joint exploration sa Recto Bank sa pagitan ng Pilipinas at China.
Kamakailan, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat panindigan at tuparin ng Pilipinas ang isang kasunduan ng kanyang administrasyon sa China na magkaroon ng joint exploration sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Ang Recto Bank na kilala rin bilang Reed Bank na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ay pinaniniwalaan na may mayamang deposito ng langis at gas na maaaring makatulong sa Pilipinas na maibsan ang pangangailangan nito sa enerhiya.
Sang-ayon sa Department of Energy (DOE), tinatantiya na may 165 million na barrels ng langis at 3,486 cubic feet ng gas sa Recto Bank. Pinag-aaralan ng gobyerno kung papaano magagamit ang mga nasabing reserba ng langis at gas sa Recto Bank upang matugunan ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya.
“Bago pa man natin atupagin ang pakikipagkasundo sa ibang bansa tulad ng China para sa exploration at exploitation ng Recto Bank, ayusin muna natin ang isyu ng maanomalyang pagbili ng Udenna sa shares ng Chevron at Shell Malampaya dahil baka mangyari ulit na pribadong tao lamang ang makinabang sa mga natural resources ng ating bansa sa halip na ang taumbayan ang magtamasa nito,” sinabi ni Atty. Lacson, tumatakbong senador.
Nagsimula noong 2001 ang Malampaya gas-to-power project kung saan kumukuha ang Pilipinas ng 20% ng pangangailangan nito para sa kuryente mula sa mga reserba ng natural gas na matatagpuan sa mga karagatan ng Palawan. Ang natural gas na nakukuha mula sa Malampaya ay napupunta sa tatlong power plants sa Batangas na may generating capacity na 2,700 megawatts at pinagkukunan ng 30% na supply ng kuryente ng Luzon.
“Sa ngayon ang P45-bilyon bawat taon na kita mula sa Malampaya ay napapasa-kamay lamang ng Udenna na pag-aari ng isang negosyanteng malapit kay Presidente Duterte na si Dennis Uy. Ang Malampaya ay bahagi ng ating national resources na ayon sa Konstitusyon ay dapat pakinabangan ng taumbayan ngunit ang kayamanan na ito ay napupunta lamang sa bulsa ng isang taong malakas sa Malakanyang,” ayon kay Atty. Lacson. (ESTONG REYES)
231
