BAGO KA MAG-COMMENT, MAG-ISIP KA MUNA

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

PALAGI kong pinaniniwalaan na ang kalayaan sa pananalita ay isa sa pinakamagandang biyayang mayroon tayo ngayon. Malaya tayong magsalita, mag-post, at magbahagi ng ating iniisip nang hindi natatakot na ikulong dahil lang may nasabi tayo. Nakagagaan ng pakiramdam na kahit sino ay pwedeng magsabi ng saloobin. Pero ngayon, parang nagiging ingay na lang kaysa karunungan ang kalayaang ito.

Kapag nag-i-scroll ako sa mga comment section, kita ko kung gaano kabilis itong pumangit. Isang simpleng post, biglang may libo-libong reaksyon. Wala namang masama roon. Maganda nga na nag-uusap ang mga tao. Pero kapag nauuwi na ito sa murahan, insulto, at mga salitang hindi para magpaliwanag kundi para manakit, mapaiisip ka kung ginagamit ba natin ang kalayaan sa pagsasalita o inaabuso lang ito.

Nakababahala na rin kung gaano kabilis tayong umatake. Makabasa lang tayo ng isang linya mula sa hindi kilala, bigla na tayong nagmamadaling mag-type ng masakit. Para bang may lihim na patakaran online na kung sino ang pinakamalakas o masakit magsalita ay siya ang panalo. Pero sa totoo lang, walang nananalo. Nasasaktan ang inaaway. Ang nang-away, baka saglit na maramdaman ang kapangyarihan, pero sandali lang iyon. At tayong mga nakabasa ay naiiwanan ng mapait na pakiramdam.

Mas masama pa, kapag kumalat ang maling impormasyon at sinabi nilang bahagi iyon ng kalayaan. Hindi iyon tunay na kalayaan. Hindi kalayaan ang magsinungaling. Kapag nagbahagi tayo ng maling impormasyon, binabasag natin ang tiwala. At kahit marami ang gumagawa nito na minsan ay sinasadya, na minsan ay hindi man lang nagtse-check kung totoo ang pinsala.

Marami ring hindi naka-aalam na may mga batas laban dito. May Cybercrime Prevention Act na nagpaparusa sa online libel at iba pang masamang gawain sa internet. Mayroon ding mga panukala laban sa online harassment at pekeng balita. Hindi dahil nasa social media ang isang bagay ay ligtas na ito sa batas. Pero marami pa ring nagsasalita na parang walang hangganan ang internet. Akala nila walang limitasyon ang kalayaan sa pananalita, pero ang totoo, may hangganan ito lalo na kapag nakasasakit na ng iba.

Mas lumalala pa ito ngayong makabago na ang panahon. Halos lahat may gadget na. Isang pindot lang, pwede nang magsulat ng kahit ano at kumalat agad sa libo-libo. Noon, limitado lang ang salita sa mga usapan o nakalimbag sa papel. Ngayon, isang maling komento lang, kaya nang makarating sa mga estranghero sa loob ng ilang segundo. Mas madali ngang magsalita dahil sa teknolohiya, pero mas madali ring abusuhin ang kapangyarihang iyon.

Sinasabi ng iba na opinyon lang ang mga masasakit nilang salita. Totoo, opinyon iyon. Pero hindi iyon kalasag. Kung nakasasakit ng kapwa, sumisira ng pangalan, o nanlilinlang, pwedeng umaksyon ang batas. Ang salita ay hindi lang basta salita. Kaya nitong magpataas, pero kaya rin nitong manira.

Aminado akong minsan nadadala rin ako. Kapag mataas ang emosyon, minsan nakasasagot ako nang matalim. Pero kapag binabalikan ko ang isinulat ko, tinatanong ko ang sarili ko: nakapunto ba ako o nag-ingay lang? Kadalasan, ingay lang. At iyon ang dahilan kung bakit napaiisip ako bago pindutin ang “send.”

Mananatili ang kalayaan sa pananalita, pero ang tunay na pagsubok ay kung paano natin ito hinahawakan sa makabagong panahon. Kapag ginamit ito nang walang pakundangan, nagiging hungkag na ingay lang. Kapag ginamit nang may respeto, nagiging kasangkapan ito para sa pag-unlad. At kapag inabuso natin ito, tiyak na hahabulin din tayo ng batas na madalas nating binabalewala. Ang isang maliit na komento lang sa screen ay maaaring magdala ng bigat kapag dumating ang kapalit. Sa huli, hindi ang mismong kalayaan ang huhubog sa atin kundi ang disiplina at pananagutang inilalagay natin dito.

48

Related posts

Leave a Comment