BAGONG BI COMM, LILINISIN ANG AHENSYA O CHAROT LANG?

BISTADOR Ni RUDY SIM

NOONG nakaraan lamang ay ating ibinisto ang raket ng ilang miyembro ng “K-POPpangit” na tiwaling mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa Verification and Compliance Division kung saan ay ginagawa na umanong hanapbuhay ang pangingikil sa mga dayuhan at lehitimong travel agencies, na muling bubulatlatin ang mga dokumentong natapos nang iproseso ng iba’t ibang tanggapan dito.

Muli tayong nakatanggap ng sumbong mula sa isang dayuhan na matapos mabigyan ito ng visa upang maging legal siyang makapag­hanapbuhay sa a­ting bansa ay isang tawag umano sa mobile phone ang kanyang natanggap mula sa isang babaeng nagpakilalang kawani ng BI-VCD at sinabing kailangan niyang ayusin ang kanyang isinumiteng dokumento dahil peke umano ang kanyang Alien Employment Permit mula sa DOLE.

Hmm, teka!! Legal ba ang pagtawag ng BI sa isang kliyente gamit lamang ang personal phone na dapat ay idinaraan sa isang ­registered mail na isang legal na paraan? Tila pagbabanta sa mga dayuhan na ipakakansela umano ang kanilang visa kung hindi nila ito aayusin at malinaw na isa itong pangongotong na dapat ay wakasan na ng bagong itinalagang Commissioner ng BI na si Atty. Norman Tansingco.

Kung mayroong dapat i-abolish na tanggapan sa BI ay dapat unahin itong VCD dahil wala naman sa batas na kailangang busisiin pa ang mga dokumento ng mga dayuhan na natapos na ng Commissioner at dumaan sa masusing pag-aaral ng mga abogado rito. Ano ang ginagawa ng hepe rito na dating bihira umano pumasok?

Dapat ay seryosohin ni Tansingco na malinis ang ahensya laban sa tiwaling mga tauhan dito upang hindi isipin ng marami na nais mo lamang magpabango sa kabila ng mga negatibong report ng katiwalian na nangyari noong panahon ni dating Commissioner Marcelino Libanan na ngayon ay isa nang party-list representative, na naging kanang kamay nito si Tagsingko ay Tansingco pala.

Sa unang pagbisita pa lamang ni Tansingco sa NAIA ay pinagsabihan nito ang mga buwaya sa airport na tigilan na kuno ang kanilang raket na hanggang ngayon ay nangyayari na pinangungunahan ng isang sindikato ng immigration officers at terminal heads na nagmamaniobra umano ng pagpaparating ng Chinese at Vietnamese nationals sa bansa kapalit ang malaking halaga.

Maganda sa pandinig ng marami ang ginagawang pag-raid ng iba’t ibang law enforcement agencies sa POGO offices ng Chinese nationals mula nang maraming kinasangkutan ang mga Tsekwa sa karahasan sa bansa kagaya na lamang ng kidnapping at prostitution.

Ngunit, ano ba ang raket ng mga tiwaling opisyales bago ipa-deport ang mga dayuhan pabalik sa kanilang bansa? Habang nagsisiksikan ang foreign inmates sa kulungan ay hindi ba’t bumabaha rin ang salapi? Paano? Abangan!!

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

265

Related posts

Leave a Comment