PORMAL nang ipinagkaloob ng United States sa Pilipinas ang isang C-130 Hercules cargo plane bilang bahagi ng pagsisikap na i-modernize ang hukbong sandatahan ng mga kaalyado nitong bansa sa Southeast Asia.
Pinangunahan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, U.S. Embassy Chargé d’Affaires John Law, Armed Forces chief-of-staff Gen. Cirilito Sobejana, Philippine Air Force, LTGen. Allen T. Paredes PAF at iba pang opisyal ang turnover ceremony sa 250th Presidential Airlift Wing Hanger sa Villamor Airbase, Pasay City.
Agad namang isasabak ang eroplano sa paghahatid ng bakuna laban sa coronavirus.
Ito ang una sa dalawang C-130 H aircraft na binili ng Pilipinas sa Estados Unidos kapag sinimulan na ang rollout ng COVID-19 vaccination ng pamahalaan.
Ayon sa kalihim, ang eroplano ay malaking tulong sa kasalukuyang fleet ng C-130 ng Philippine Air Force, na pangunahing ginagamit sa heavy flight operation ng PAF, paghahatid ng mga kargamento at tropa ng AFP, internal security operations, disaster response operations at humanitarian missions.
Nagpasalamat naman si Lorenzana sa Estados Unidos sa tulong para makuha ng Pilipinas ang una sa dalawang C-130H aircraft sa ilalim ng US Security Cooperation Assistance Program.
Nabatid na may kabuuang P2.5 bilyon ang nasabing cargo plane subalit nasa P1.6 bilyon lang ang babayaran ng Pilipinas at ang balanse ay sasagutin ng Estados Unidos.
“The C-130 is a proven aircraft and demonstrated its reach and capability to deliver COVID-19 supplies across the country over the past year. We hope this additional aircraft will continue to be a steady workhorse for the Philippine Air Force for years to come,” ayon sa CDA Law. (JESSE KABEL)
155
