BAGONG LTO CHIEF PRO-POOR?

PUNA Ni JOEL AMONGO

HINDI nagkamali sa pagpili si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay Transportation Assistant Secretary Atty. Teofilo “Jojo” E. Guadiz III bilang bagong hepe ng Land Transportation Office (LTO).

Sa pag-upo pa lamang ni Guadiz sa LTO ay agad siyang nagpahayag na marami siyang babaguhin sa opisinang kanyang pinamumunuan.

Una, ay ang sobrang mahal ng bayad sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho.

Sa pagkakaalam ko bilang may driver’s license rin, mula tatlong libong piso hanggang limang libong piso ang lahat-lahat ng gagastusin sa pagkuha ng lisensiya.

Ayon pa kay Guadiz, sa online na pagproseso ng pagkuha ng linsensiya ay napakamura lang.

Bakit aniya, sisingilin ang mga kumukuha ng linsensiya ng sobrang mahal?

Libu-libo katao ang kumu­kuha ng lisensiya sa LTO araw-araw kaya naman napakahaba ng pila sa tanggapang ito.

Bukod sa pagpapababa ni Guadiz sa bayad sa pagkuha ng lisensiya ay nais niyang mai-release agad ito at ‘wag nang pahirapan ang taumbayan na gustong kumuha nito.

Ayon sa hepe ng LTO, hangga’t maaari sa loob lamang ng tatlong oras ay ­mai-release na ito sa kumukuha.

Bakit nga naman patatagalin pa kung kaya naman ­mailabas ito sa maigsing oras?

Kasi habang tumatagal ang transaksyon sa mga opisina ng gobyerno ay lalong nagkakaroon ng pagkakataon ang ­korapsyon sa mga tanggapang ito.

Pinasususpinde rin ni Guadiz ang “No Contact Apprehension (NCAp)” na ipinatutupad ngayon ng Local Government Units (LGUs).

Marami kasing reklamo mula sa mga motorista sa ­patakarang ito dahil bukod sa mahal ang multa nito mula dalawang libong piso hanggang tatlong libong piso ay nabibigla sila na may malaking

halaga silang babayaran pagdating ng renewal ng kanilang mga lisensiya.

Ayon pa sa ilang tsuper na nakausap ng PUNA, pahirap sa kanila ang NCAp na ito lalo sa mga nagmamaneho ng pampublikong sasakyan.

Anila, mahal na ang presyo ng gasolina dagdag pa sa kanilang pasanin ang multa na nagmumula sa traffic violations dahil sa NCAp.

Kaya naman maraming tsuper ang natuwa sa naging pahayag ni Guadiz na kanyang pinasususpinde ang pagpapatupad ng NCAp.

Suhestiyon naman ng PUNA kay LTO Chief Guadiz,

resolbahin niya rin ang ­pro­blema sa backlog ng mga plaka, lalo na sa mga motor­siklo, nakaparaming nito nga­yon ang tumatakbo nang walang plate number.

Si Guadiz ang pumalit kay dating LTO Chief Edgar Galvante at dati siyang director ng DOTC at Regional Director ng LTO-National Capital Region.

Kalaunan ay nalipat siya bilang Director sa Region 1 sa panahon ng Aquino administration. Good Luck Sir!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

141

Related posts

Leave a Comment