HINAMON ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando si Department of Economic Planning and Development (DepDev) Secretary Arsenio Balisacan na subukan mismo ang inilabas ng kanyang ahensya na bagong poverty threshold na nagsasabing ₱84 lang ang kailangan ng isang tao para sa pagkain sa isang araw.
Sa deliberasyon ng 2025 House General Appropriation Bill (HGAB), binanggit ng DepDev na ang food poverty threshold ngayong taon ay nasa ₱12,832 para sa isang pamilya na may limang miyembro, o katumbas ng ₱422 kada araw. Kung hahatiin sa bawat miyembro ng pamilya, lalabas na ₱84 lamang ang budget ng bawat isa kada araw.
Pero giit ni San Fernando, ito ay malayo sa realidad at isang malaking insulto sa mamamayang Pilipino na araw-araw nakikipagbuno sa mataas na presyo ng bilihin.
“Sabi ng DepDev, ₱84 lang daw ang kailangan para hindi magutom ang isang Pilipino sa isang araw. Hindi lang basta busog ha, kundi masustansya pa raw. Pero anong klaseng pagkaing masustansya ang mabibili mo sa ₱84? Kahit sardinas at bigas, halos kulang na ang ganyang halaga!”
Dagdag pa ng kongresista, halatang wala raw koneksyon sa tunay na sitwasyon ang mga taga-DepDev:
“Napakalaking kalokohan talaga ng pinagsasabi nitong DepDev. Namamalengke ba kayo? Alam niyo ba kung magkano ang gulay, karne, isda? O puro numero lang ang alam ninyo? Kung totoong totoo ang computation nyo, subukan ninyong gawin sa totoong buhay.”
Dahil dito, hinamon niya mismo si Balisacan na tanggapin ang tinawag niyang “₱84 challenge.”
“Secretary Balisacan, hinahamon kita: mag-₱84 challenge tayo. Sasamahan pa kitang mamalengke, ipapakita ko sa’yo kung gaano kalaki ang kalokohan ng computation na yan. Kasi ngayon, imposibleng mabuhay ang isang Pilipino sa ₱84 kada araw.”
Bukod sa pagiging insulto, duda rin si San Fernando na ginagamit ang ganitong batayan para hadlangan ang mga umento sa sahod lalo na para sa mga minimum wage earners.
“Kapag sinasabi nilang kaya ang ₱84, ibig sabihin para sa kanila, sapat na ang kinikita ng mga manggagawa. Pero lahat tayo nakakaalam — hindi sapat! Ginagamit lang ito para walang umento sa sahod. Pahirap sa manggagawa, panlilinlang sa taumbayan.”
(BERNARD TAGUINOD)
