MY POINTS OF BREW Ni Jera Sison
May bagong Chairman ang Philippine Sports Commission (PSC). Ito ay si dating PBA Commissioner Noli Eala. Kilala si Eala bilang isang tunay na sportsman. Sa tingin ko ay hindi nagkamali sa PBBM sa pagpili kay Eala upang pamunuan ang PSC.
***
Maliban sa pagiging sertipikadong ‘true lover of sports’, napatunayan din ang kanyang kakayahan at kagalingan sa pag-manage ng isang institusyon. Alam ba ninyo na noong pumasok siya sa PBA bilang commissioner ay bagsak ang estado ng nasabing organisasyon? Noong 2003, ang pera ng PBA ay ay nasa P11 million lamang. Baon sila sa utang sa BIR at iba pang mga obligasyon na pinagkakautangan nila.
***
Mababa ang bilang ng mga manonood ng PBA noong mga panahon na iyon. Dahil sa magaling at mapaglarong utak ni Eala, gumawa siya ng maraming ‘marketing gimmick’ sa PBA upang maengganyo ang mga manonood ng PBA. Tulad ng naririnig nating ‘promo seats’ ng Cebu Pacific, ginawa na ito ni Eala sa PBA at ibinenta ang ticket sa bleachers section sa halagang P5 lamang.
***
Kaya naman sa sobrang mura ng presyo ng ticket, palaging puno ang bleachers section sa mga laro ng PBA. Eh bakit binenta ng mura gayong nalulugi ang PBA? Aba’y doon nagbenta si Eala sa mga advertisers ng PBA at ipaskil nila ang kanilang mga produkto. Tama nga naman. Lugi din naman kung walang bibili ng tickets sa regular na presyo. Eh di ibenta ng mura at magbenta din ang PBA sa mga sponsors. Kumita pa sila!
***
Mula sa kanyang simula bilang PBA commissioner noong 2003 hanggang 2007, umakyat ang pera ng PBA ng mahigit sa P70 million! Lahat ng utang ng PBA ay nabayaran. Kaya nakikita ko ang malaking potensyal sa pag-upo ni Eala bilang chairman ng PSC.
***
Damang dama ni Eala ang mga kailangan gawin upang manumbalik ang katanyagan ng Philippine sports. Kasama kasi sa mandato ng kanyang opisina ay i-develop ang grassroots level sa larangan ng isports. Dati kasi, noong panahon ng Project Gintong Alay na pinamumunuan ni Michael Keon, maraming mga sikat na atleta noong mga panahon na iyon ay nakuha sa mga lalawigan. Ito ay sila Lydia de Vega, Elma Muros, Isidro del Prado, Hector Begeo (Track and Field); Leopoldo Serrantes at si Leopoldo Cantancio (Boxing); Jaime Sebastian (Weightlifting); Jennifer Chan (Archery); Eric Buhain (Swimming); at maraming pang ibang atleta na kasama sa Project Gintong Alay.
***
Kaya naman plano ni Chairman Eala na ibalik muli ang seryosong grassroots level sports development tulad noon. Palalakasin din niya ang mga napiling atleta na lalaban para sa ating bansa tulad ng programa ng Project Gintong Alay. Plano ni Eala na magkaroon ng Sports Laboratory kung saan ang pinaka modernong teknolohiya ay ginagamit upang gumaling ang mga national athletes ng ating bansa. Maliban sa sports equipment, mahalaga din daw ang nutrition pati na rin ang sports psychologist upang mapangalagaan ng kabuuan ang ating mga magagaling na atleta.
***
Ang mga planong ito ay hindi mangyayari kung wala suporta sa gobyerno at ng pribadong sektor. Naniniwala ako na kakayanin ni Eala na makumbinsi ang mga malalaking korporasyon na sumuporta sa kanyang planong sports development program.
***
Mahigit tatlong dekada na ang karanasan ni Eala sa sports. Matagal na din na hindi natin nararanasan ang panunumbalik ng katanyagan at tugatog ng Philippine sports. Baka si Eala na nga ang kasagutan dito.
