BAGONG SALTA SA QATAR, NAGSASAMANTALA?

LUBHANG nalugmok ang industriya ng recruitment agencies simula ng nagkaroon ng pandemya.

Enero pa lang ay apektado na ang industriya lalo na ang mga ahensya na nagpapadala ng mga Household service workers (HSW) sa bansang Kuwait dahil sa pagkamatay ni Jeanalyn Villavende.

Hindi pa man ­nakakapagsimula sa pag-ahon ang mga ahensya ay bigla naman nagkaroon ng total lockdown at pagtigil ng pagpapadala ng mga OFW sa iba-ibang bansa.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagkakaroon ng siyento por siyento (100%) na operasyon ang mga ahensya maliban na lamang sa bansang Qatar at Bahrain.

Ilang ahensya ang nagkaroon ng magandang kapalaran na makapag-padala pa rin ng mga mangagawa sa bansang Qatara at Bahrain. Dagdag sa magandang kapalaran ay ang bagong batas ng bansang Qatar, ang pagkakabuwag ng Kafala System na nagbibigay kaluwagan sa mga OFW na makalipat sa ibang employer na hindi na kailngan pang kumuha ng No Objection Certificate (NOC) mula sa dati nitong employer.

Ngunit, kakabit na yata ng kaugaliang Pilipino ang pagiging mapagsamantala sa tuwing may makikitang puwang para makapang-lamang ng kapwa.

Ang tinutukoy ko ay ang ­reklamo ng ilang ahensya dahil sa mistulang ginagamit lamang ng mga baguhang OFW ang kanilang ahensya para lamang makapunta sa bansang Qatar.

At sa sandaling makarating na sa bansang Qatar at makalipas lamang ng ilang buwan ay agad na magrereklamo at mananakot pa sa kanilang ahensya para lamang sila ay ma-release na sa kanilang mga employer.

May ilang kaso pa nga na sinubukan gamitin ang pangalan ng AKOOFW at si Raffy Tulfo sa pananakot sa ahensya para lamang masiguro na siya ay makakaalis sa kanyang amo.

Ngunit sa pagiimbestiga ng AKOOFW ay nadiskubre ko na kaya pala ito umaalma ay dahil may kamag-anak pala na nag-aabang sa kanya para mag-alaga ng anak ng kamag-anak na nasa Qatar.

Nakakalungkot na isipin na may ilan pa rin mga tao ang mapagsamantala na hindi alintana na ang kanilang bawat ginagawa ay maaring makaapekto sa iba pang mga OFW na nasa Qatar.

Hindi maiaalis ang pangamba ng mga OFW sa Qatar na sakaling madiskubre ng gobyerno ng Qatar ang gawain ng mga OFW ay baka maging maghigpit sila sa mga OFW.

Marahil ay dapat maunawaan ng mga bagong salta sa Qatar at Bahrain na hindi madali ang ­paglipat ng employer lalo na kung ito ay bagong dating pa lamang sa Qatar.

Sa ilalim ng “Qatar Law No 18 of 2020 No Objection Certificate Required Law” na naisabatas noong Agosto 2020 ay nakasaad na kailangan na matapos muna ang unang kontrata sa unang employer.

Kinakailangan din na magbigay muna ng Notice of termination ang worker o employer isang buwan bago ipatupad ang termination ng kontrata.

Sa ilalim din ng batas na ito ay hindi na kinakailangan na kumuha ng exit permit sa employer para lamang makauwi sa Pilipinas.

Napakaganda ng batas na ito at sa katunayan ang Qatar ay hinangaan ng International Labour Organization dahil sila ang kauna-unahang bansa sa buong rehiyon na pumutol sa Kafala system.

May karampatang parusa rin ang nakaamba sa sinumang hindi sumunod sa naturang batas matapos na ito ay mapatunayan sa hukuman.

Ang AKOOFW ay nagpapaalala lamang sa ilang OFW na nagsasamantala sa kagandahan loob na ipinapakita ng bansang Qatar lalo na sa mga bagong salta na OFW.

117

Related posts

Leave a Comment