CAVITE – Swak sa kulungan ang tatlong hinihinalang akyat-bahay makaraang bitbitin ang isang bagong 43-inches na television na ginagamit sa isang simbahan sa bayan ng Tanza sa lalawigan noong Sabado ng gabi.
Hawak na ng pulisya ang mga suspek na sina alyas “Badong”, binata, isang out of school youth, ng Brgy. Julugan 8, “Mark”, 25, tricycle driver, ng Brgy. Amaya, at “Marco”, 22, ng Brgy. Daang Amaya, pawang ng Tanza, Cavite, dahil sa reklamo ni alyas “Rosette”, 32, board leader ng Christian World Ministries Tanza Chapter.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:30 ng gabi nang pasukin ng mga suspek ang nasabing simbahan sa Brgy. Amaya 1 sa pamamagitan ng pagsira ng jalousie sa ikalawang palapag nito.
Nang makapasok, tinangay nila ang isang 43-inches na brand new LG Smart TV na nagkakahalaga ng P36,990.00.
Makaraang isumbong ng kapitbahay, agad ini-report ng board leader ng simbahan sa pulisya ang insidente.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad ay naaresto ang mga suspek at nabawi ang television bago pa man ito maibenta.
(SIGRED ADSUARA)
78
