BAGYONG “ROLLY” DOBLENG DAGOK SA MGA PINOY

KAAWA-AWA ang mga residente ng Albay at Catanduanes dahil hindi pa man natatapos ang kanilang problema sa COVID-19 ay isa na namang dagok sa kanilang buhay ang pananalasa ng bagyong Rolly sa kanilang probinsiya.

Batay sa nakuhang impormasyon ng PUNA mahigit kumulang sa 60% kabahayan sa Albay at Catanduanes ang sinira ng nasabing bagyo.

Pinadapa rin ng bagyo ang mga pananim, 90% ng poste ng kuryente at linya ng komunikasyon ay pinagbagsak din sa lugar na ito.

Kaya ngayon hindi sila makontak ng kanilang mga kamag-anak na nasa ibang lugar.

Maging ang mga bangka ng mga residenteng malapit sa baybayin ay sinira rin, gamit pa man din nila ang mga ito sa kanilang kabuhayan sa pangingisda.

Kaya ngayon malaking ­problema ang kinakarap ng bawat pamilya sa mga lugar na ito. Hindi nila alam ngayon kung saan at paano sila magsisimula.

Maging ang Local Government Units (LGUs) sa mga nabanggit na lugar ay problemado rin dahil ubos na ang kanilang pondo.

Nauna na kasing nagamit nila ang kanilang mga pondo para sa mga naapektuhan ng COVID-19. Kaya sa tindi ng tama sa kanila ng Bagyong Rolly ay matatagalan pa sila bago makabangon.

Posible ring tumaas ang kaso ng COVID-19 at iba pang mga sakit sa mga lugar na ito dahil mapupunta sa mga evaluation center ang mga nawalan ng kanilang tahanan.

Siguro panahon na para baguhin ang disenyo ng kabahayan at mga gusali sa mga lugar na laging dinadaanan ng bagyo. Naalala ko ang sabi ng dati kong naka-usap na eksperto pagdating sa pagtatayo ng pabahay.

Sinabi niya na dapat daw ay ‘typhoon proof’ na ang mga itinatayong bahay sa ilang lugar sa bansa. Partikular na ang mga lugar ng Samar, Bicol, Aurora, Albay at ang Catanduanes na pinakamatinding sinalanta ng Bagyong Rolly.

Sabi pa sa atin ni Mr. Ayco na dating presidente ng Habitat for Humanity na may disenyo silang mga bahay na typhoon proof. Kahit pa anong lakas daw ng bagyo ay uubra dahil sa tibay ng kanilang nai-disenyo.

May punto ang sinabi nya dahil ang Pilipinas ay dinadaanan ng 20 bagyo sa loob ng isang taon. Sana ikunsidera ng pamahalaan ang bahay na typhoon proof para hindi na laging nasisira ang mga bahay ng ating mga kababayan tuwing may bagyo.

Halimbawa ay ang ­kabahayan sa Batanes na talaga nga namang masasabi nating typhoon proof dahil sa uri ng ginamit na mga materyales na mga bato ay hindi kayang sirain ng anumang bagyo.

Ang bagyo ay kadalasang nagsisimula sa Pacific Ocean kung saan sila nabubuo.

Ang lugar na katabing-katabi ng Pacific Ocean ay ang mga probinsiya na nasa Bicol, Aurora at Batanes kaya sila ang unang tinatamaan ng bagyo.
Pagisipan na rin siguro ng­ ­gobyerno kung anong mga pananim ang matibay tuwing bagyo. Kung hindi kasi natin bibigyan pansin ang nararapat na solusyon ay paulit-ulit na lang ang problema na ating kakaharapin.

Imagine, 20 bagyo taun-taon ang bumibisita sa bansa. Limang malalakas lang ang tumama sa mga kabahayan ay taun-taon din ang kakaharaping problema ng mga may-ari nito.

Kawawa naman ang laging maapektuhan lalo na sa panahon ngayon na may tinatawag pang climate change na lalo pa raw nagpapalakas ng bagyo.

Ipagdasal natin na ­makabangon agad ang mga kababayan natin na matinding tinamaan ng nagdaang bagyo.

Nananawagan rin tayo sa ating mga kababayan na may ginintuang puso na sana tulungan natin ang mga residente ng Albay at Catanduanes upang mabilis silang makabangon.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon maaaring mag-email joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com.

175

Related posts