MAY alinlangan si Defense Secretary Delfin Lorenzana na maaaring maging “source of concern” ang desisyon ng Pilipinas na tanggapin ang Afghan refugees kapag ang mga terorista ay humalo sa mga ito.
Aniya, walang kamay ang Defense department sa desisyon na tanggapin ang Afghan refugees at asylum seekers.
Ito ang dahilan kung bakit umaasa ang Kalihim na magsasagawa ng masusing screening ng refugees ang Department of Foreign Affairs, Immigration Bureau, at ang kapulisan sa kung sino ang dapat pumasok ng Pilipinas.
“It is concerning situation kung ang refugees ay may terrorist na kasama. So yan ang dapat nating manmanan. Siguro yung processing pa lang ng refugees ay matindi na para masala natin yung mga taong hindi kailangang pumunta dito,” ayon kay Lorenzana sa isang virtual press conference.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na nagsimula nang magpapasok ng Afghan refugees ang bansa.
Bilang polisiya, tatanggapin lamang ng Pilipinas ang refugees at asylum seekers mula Afghanistan sa pamamagitan ng “requests” mula sa ibang gobyerno.
Sakali naman na may makalusot na Afghan terrorist na makapasok sa bansa, matatagalan pa bago ito makagawa ng gulo.
“Tingin ko naman kung papasok dito ang Afghan, hindi naman sila makakapaggala agad e. Siguro ang gagawin niyan ay kumontak ng local terrorist. But it will take time,” ayon kay Lorenzana.
Samantala, sa naging pagbisita naman ni Lorenzana sa Washington DC noong nakaraang linggo, sinabi nito na ipinaalam sa kanya ng American defense officials na mayroong 5,000 prisoners sa Afghanistan subalit, lahat aniya ay pinalaya ng Taliban.
Wala aniyang Filipino sa mga bilanggo subalit maaaring mayroong Malaysians at Indonesians.
Hindi naman malinaw kung bakit ikinulong ng mga sundalong Amerikano ang 5,000 indibidwal sa Afghanistan. (CHRISTIAN DALE)
