Bakit kailangang lumaban muli si Manny Pacquiao?

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

NOONG magretiro ang maalamat na si Manny Pacquiao matapos ang makasaysayang 27 taong karera sa boksing, ang Pilipinas ay may limang pandaigdig na kampeon sa magkakaibang dibisyon.

Kabilang sa world champs sina Mark Magsayo, feafherweight champ ng World Boxing Council; Jerwin Ancajas, International Boxing Federation super-flyweight; John Riel Casimero, World Boxing Organization bantamweight; Nonito Donaire, WBC bantamweight; at Rene Mark Cuarto, IBF minimumweight. Ngunit isa-isang napatalsik sa trono ang lima, at sa kalagitnaan pa lamang ng 2022 ay wala nang natira kahit isa.

Hindi inaasahang matatalo si Ancajas ni Argentine Fernando Martinez noong Pebrero. Mayo nang kontrobersiyal na hubaran si Casimero ng titulo sa dahilang walang kaugnayan sa boksing.

Pagsapit ng Hunyo, pinatalsik si Donaire ng Hapong si Naoya ­Inoue sa Japan. Sunod na nawalan ng trono si Cuarto sa isang kaduda-dudang desisyon sa Mexico. At ang huling Pinoy na kampeon na si Magsayo ay nabigo rin sa split decision laban sa Mehikanong si Rey Vargas sa Texas, USA.

Malungkot na senaryo sa Philippine sports, lalo noong naka­raang buwan ay nakahulagpos din sa Gilas national basketball team ang titulo sa Southeast Asian Games na naagaw ng Indonesia sa pangalawang pagkakataon lamang. At nitong nakaraang linggo naman, sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit isang dekada, ang Team Pilipinas ay pinigilan ng Japan na makapasok sa quarterfinal round ng third window ng Asia Cup qualifier.

Ito ang nakikita namin dahilan kung bakit si Pacquiao, kaisa-isang boksingero na humawak ng 12 kampeonato sa walong dibisyon, isang rekord na duda kaming mababasag ng sinuman, ay muling lalaban sa ibabaw ng parisukat na lona.

Magbabalik si Manny sa Disyembre hindi lamang para sa pera at popularidad, kundi para ibangon ang karangalan ng mga atletang Pinoy lalo ng ating mga boksingero.

155

Related posts

Leave a Comment