PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
ALAM n’yo ba na mayroong mahigit 200 political parties na accredited ng Comelec na ang tayo o sakop ay nasyonal at lokal, kasama ang party-list?
Noon ay dalawa lang ang political party sa bansa: Nacionalista Party (NP) na itinayo noong April 1907 nina dating Pres. Manuel L. Quezon at dati ring Pres. Sergio Osmena para isulong ang pagkalas ng Pilipinas sa pananakop ng US.
Matapos ang liberation sa kamay ng Hapones noong 1945, kumalas ang tropa ni dating Senador Manuel Roxas at itinayo ang LP, so lumalabas po dear readers na ang unang Balimbing Party pala ay ang LP na naging Yellow Party (YP), naging Pink Party (PP) at ngayon ay Kakampink nina Leni Robredo, Congw. Leila de Lima, Sen. Bam Aquino at Sen. Kiko Pangilinan.
Balimbing din si Ferdinand “Macoy” Marcos Sr., na dati ay LP na nag-NP para labanan ang kapartido noon na si Pres. Diosdado Macapagal sa presidential elections noong 1965.
At muli, nang ibagsak ni FM Sr. ang martial law (ML) noong 1972, itinayo niya ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL) noong 1979 na naging dominanteng partido hanggang 1986.
Itong KBL naman ay binuo ng maraming LP na nag-over the fence sa NP para makinabang sa diktadurya ni FM Sr.
Sa panahon ng ML, itinayo ni dating Senate Pres. Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. ang Partido Demokratiko Pilipino na isinanib sa partido Lakas ng Bayan ni dating Sen. Ninoy Aquino noong 1983 laban sa KBL ni FM Sr.
Upang ibagsak si FM Sr., itinayo ni dating Sen. Salvador ‘Doy’ Laurel ang United Nationalist Democratic Organization (UNIDO) na nakipag-alyansa sa PDP-Laban ni Pimentel na sumuporta sa kandidatura ni Cory Aquino noong 1986 na si Doy ang katiket na VP nito.
Ang PDP-Laban nga pala ang nag-endorso sa kampanya ni dating Pres. Rodrigo ‘Digong’ Duterte.
Itinayo naman ni Fidel Ramos ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na nagpanalo sa kanya sa panguluhan: chairman emeritus dito si Lola Gloria Macapagal-Arroyo na sinibak ng presidente nito na si dating Speaker Martin “Romuwaldas” Romualdez.
Noong kumalas si VP Inday Sara sa Lakas-CMD, binira niya agad si “Tambaloslos” Romualdez na aniya, nag-iipon na ng kakampi para sa ambisyong tumakbong presidente.
1992, itinayo ni Danding Cojuangco Jr. ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na kanyang ginamit na behikulo para sa pagtakbo sa panguluhan pero nabigo dahil tinalo siya ni dating Pres. Fidel Ramos.
Aksyon Demokratiko (AD) na itinayo ni dating Sen. Raul Roco noong 1997 at sinakyang partido sa pagtakbo noong 1998 presidential elections.
Noong 2011, nabuo ang National Unity Party (NUP) ng mga nadismayang kasapi ng Lakas Kampi CMD.
Bukod sa mga party-list na nakatali sa pusod ng Communist Party of the Philippines, may sariling party-list ang pami-pamilya ng nakaupo politiko at mayayamang oligarko para proteksyonan ang kanilang personal na interes at negosyo.
Mayroon ding partidong nagtataguyod daw laban sa korupsiyon, federalismo at equality raw tulad ng Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) na itinayo noong 1997 ni Jesus is Lord Worldwide Pastor Cong. Eddie Villanueva at Sen. Joel Villanueva.
Ewan kung buhay pa ang Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) ni Peping Cojuangco, Jr. at ang Lakas ng Bansa ni dating Sen. Ramon Mitra na itinayo noong 1988 sa dismaya kay Tita Cory sa pag-endorso kay FVR na kandidatong pangulo.
Halos magpakamatay si Mitra kay Tita Cory na iniwan sa labanan sa panguluhan na nagpanalo kay Ramos.
Alam n’yo bang may Makabayan (Makabayang Koalisyon ng Mamamayan) na koalisyon ng 12 party-lists na itinayo noong 2009 na kabilang ang Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, Anakpawis, GABRIELA, Kabataan, Katribu, Migrante, Akap-bata, COURAGE, Piston, Kalikasan, at Aking Bikolnon.
Pinaniniwalaang itong Makabayan ay partido ng namayapang Joma Sison ng CPP!
2018, itinayo ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na sumuporta kay dating Pres. Duterte at balitang nagbubuo na ng maraming alyansa para sa kandidatura ni VP Sara.
Masigla pa naman ang Partido ng Masang Pilipino, PMP (1991) na itinayo ni dating Pres./Manila Mayor Erap Estrada.
Buo pa kaya ang United Nationalist Alliance (UNA) ni dating VP Jejomar Binay na itinayo nitong 2016 sa dismaya nang bitawan ng PDP-Laban na kinatalo niya kay PRRD.
***
Dahil sa rambulan at mga tinatawag na balimbing sa pulitika sa bansa, pagtatayo sa sari-sariling interes ng mga partido at pamilyang politiko, sa halip na umangat, nalulubog sa putik at pusali ang buhay ng Filipino.
Walang direksiyong pulitika na kanya-kanya ng kabig sa kayamanan ng bansa kasabwat ang oligarkong na nasa likod ng mga popular na politiko na pinopondohan ng bilyon-bilyong piso, walang pagkakataon ang matino, tunay na makabayang Filipino na manalo at maiangat ang unang Republika sa Asya.
Kawawang prutas na balimbing na naging simbolo ng malagim na bayan ng mga “Tambaloslos” at “Paru-Parong Linta” ng politikong Pinoy.
Dahil nagkalat ang mga Balimbing, eto uso ang rambulan at karambolan at pansariling politika, imbes na maging matured at ganap na matatag ang Pilipinas, parang batang gusgusin at uhugin na kulelat sa karera sa paglago ng mga katabing bansa sa Asia.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com
81 