MY POINT OF BREW Ni JERA SISON
SIMULA nang maglabasan ang presidential nominations sa mga itinalagang posisyon sa gobyerno, nakapagtataka kung bakit nagkakaroon at bumuhos ang mga tsismis na ang namimili raw ng ipinupuwesto para sa mga government position ay si Executive Secretary Vic Rodriguez?
***
Sa totoo lang, ang mga taong nag-iisip nito ay tila minamaliit ang kapasidad at katalinuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.! Sino ba ang ang inihalal ng mahigit na 31 million voters upang mamuno ng ating bansa? Si Atty. Vic Rodriguez o si PBBM?
***
Ang tungkulin lamang ni ES Rodriguez ay salain ang daan-daan na aplikanteng nais magbigay serbisyo sa ating bayan. Tinitingnan ng isang screening committee, kung saan kasama rito si ES Rodriguez, at tinitingnan kung kwalipikado ang isang aplikante para sa nasabing posisyon sa ating pamahalaan. Pagkatapos niyan ay ibibigay kay PBBM ang nasabing shortlist para sa kanyang pagpili kung sino ang karapat-dapat sa nasabing puwesto.
***
Sa aking pagkakaalam, kung meron man pagkakatiwalaan si PBBM ay isa na rito sa Atty. Vic Rodriguez. Kasama siya ni BBM sa hirap at ginhawa. Subok na sa mga pinagdaanan na mga problema bago pa lamang nakapagdesisyon si PBBM na sumabak na tumakbo sa pagkapangulo.
***
Ang mga taong naghuhumiyaw at pinangangalandakan ang kanilang loyalidad kay PBBM, nagsilabasan lamang ang karamihan sa kanila noong nagsimula ang kampanya, ilang buwan ang nakalipas. Sigurado ako na marunong kumilatis si PBBM kung sino ang tunay na mapagkakatiwalaan at kung sino sa kanila ang may adyenda kaya pinapalabas nila na dikit sila kay PBBM.
***
Huwag na tayo makipagplastikan. Simula’t sapul na kinagisnan natin ang pamumulitika sa ating bansa, karamihan sa kanila ay dumidikit sa kasalukuyang administrasyon dahil may hinahangad silang pansariling adyenda. Kaya naman kapag hindi napagbigyan sa kanilang hiling ay nag-aalburuto o kaya naman ay lumilipat sa oposisyon. Alam na this hindi po ba?
***
Kaya naman ako ay napapailing sa kaliwa’t kanan na batikos at mga isyu laban kay ES Rodriguez na wala namang matibay na ebidensya. Ano kaya ang adyenda ng mga nagpapakalat ng mga tsismis na ito?
***
Ahhhh, alam ko na. Marahil ay sila ‘yung mga hindi napagbigyan sa mga nais nilang makuhang puwesto sa gobyerno. Akala nila na sa kanilang pagtulong noong kampanya ay magagantimpalaan sila ng magandang posisyon sa gobyerno o kaya naman ay may maitutulak silang tao nila sa nasabing posisyon na maaaring makapabor sa kanila sa ilalim ng administrasyon na ito. Aminin!!
***
Tulad na lamang ng bagong pahayag ng isang political analyst umano na ‘hilaw’ raw si Atty. Vic Rodriguez upang mamuno bilang Executive Secretary. Haller? Bukod sa pagiging magaling na abogado ni Atty. Rodriguez, ang pinakamahalagang kwalipikasyon sa nasabing posisyon ay tiwala at kumpyansa ng Pangulo ng ating bansa. Iyan ay isang katangian na makukuha sa matagal na panahon na samahan at pagsubok. Kayong mga kabago-bagong tumulong at sumuporta sa kampanya ni PBBM, meron ba kayong ganitong katangian?
***
Bakbakan, batikusin o siraan pa ninyo si Executive Secretary Rodriguez, naniniwala ako na ang may huling salita pa rin diyan ay si PBBM at hindi si ES Rodriguez. Inuulit ko, matalino at magaling ang ating Pangulo. Sa tagal na hirap na pinagdaanan ng kanilang pamilya noong panahon na pinatalsik sa puwesto ang kanyang ama, marunong na silang kumilatis ng pagkatao ng isang indibidwal. Mahalaga ngayon kay PBBM na may masasandalan siya na taong alam niya na may malasakit sa kanya. Isa na riyan ay si Atty. Vic Rodriguez.
221 