ISINULONG ni opposition Senator Leila M. de Lima ang pagkakaloob ng libreng bakuna sa lahat ng senior citizens habang nasa gitna ng epidemya ang bansa.
Sa inihaing Senate Bill No. 1641 ni De Lima, pinaaamiyendahan nito ang Section 4 ng Republic Act (RA) No. 7432, as amended by RA No. 9257, RA No. 9994, o ang “Expanded Senior Citizens Act Of 2010.
“No less than the Constitution guarantees that the needs of the elderly in relation to their right to health shall be given priority by the State. Clearly, senior citizens belong to a special class of individuals for which the Constitution affords preferential concern,” sabi ni De Lima.
“Their growing number coupled with their susceptibilities has now made it vital for the State to make the promotion and protection of their health and well-being among its priority social legislations,” dagdag pa nito.
Sa 2019 report ng Philippine Statistics Authority (PSA), nabunyag na ang Pilipinas ay inaasahan ang aging population sa pagitan ng 2025-2030.
Sinabi ni Dr. Joel Santiaguel, isang pulmonologist ng Philippine General Hospital, na ang senior citizens ay 100 beses na maaaring masawi kung ikukumpara sa mga bata dahil sa mga sakit.
Sa ilalim ng nasabing panukala, sinabi ni De Lima na hinahangad nitong tiyakin na ang kalusugan ng matatanda ay nakasisiguro sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng pagbabakuna laban sa Influenza virus, Tetanus, Diphtheria, Pertussi at Pneumococcal disease, at iba pang katulad na naaprubahang bakuna ng Department of Health (DOH) para sa pagpapanatili ng kanilang kalidad ng buhay. (NOEL ABUEL)
