BAKUNAHAN LUMAYLAY

PANSIN ko, lumaylay ang bakunahan sa ating bansa kaya hindi nakapagtatakang umabot pa sa 27 million anti-COVID-19 vaccines ang hindi pa naituturok at nakatakdang ma-expire sa Hulyo.

Masyadong abala na ang local officials sa pangangampanya at wala na silang panahon na iorganisa ang bakunahan sa kanilang bayan at siyudad lalo na dun sa mga may kalaban ngayong eleksyon.

Imposible nang maturukan ang lahat ng Pinoy ng bakuna hangga’t hindi tapos ang eleksyon dahil kailangan ng Department of Health (DOH) ang tulong ng local government units (LGUs).

Hindi kaya ng DOH na mag-isa ang pag-organisa at hindi rin naman talaga pinupuntahan ang mga tao sa kanilang bahay lalo na ‘yung nasa malalayong lugar para sila bakunahan.

Paano makararating ang mga nasa malalayong lugar sa vaccination centers na karaniwang inilalagay sa munisipyo, kung wala silang pamasahe? Kulang ang P200 na budget para makaluwas sila mula sa kanilang barangay hanggang sa bayan.

Imbes na gastusan ang kanilang pamasahe ay ibibili na lang nila ito ng bigas lalo na ‘yung mahihirap nating kababayan na nakatira sa malalayong barangay na iisa lang ang biyahe kada araw sa kanilang lugar.

‘Yung mga nakakuha naman ng dalawang shots na ay wala pa ring booster shot na natatanggap dahil abala nga ang local officials sa pangangampanya… wala na silang oras.

Nagtatawag ako sa mga kakilala ko sa iba’t ibang ­probinsya para tanungin kung meron na silang booster shot at halos lahat sila ay sinasabi na wala pa silang booster shot.

Ibig lang sabihin walang nagbo-booster shot sa mga probinsya kaya hindi nauubos ang supply na binili at ginastusan ng gobyerno mula sa inutang nila sa iba’t ibang financial institution.

Kaya mukhang masisira nga ang natitirang supply ng bakuna na binili ng gobyerno lalo na kung matatalo ang incumbent local executives, dahil ang papalit sa kanila ay marami pang preparasyon ang gagawin sa kanilang pag-upo.

Pero teka, hindi nilinaw ng gobyerno kung anong brand ng bakuna ang hindi pa nauubos? Kung galing iyan sa China baka nga masira na lang dahil kahit sa mga probinsya ay inaayawan ng mga tao.

Dito sa Metro Manila, kapag inanunsyo ng LGU na galing sa China ang brand ng bakuna na ibibigay nila sa ganitong araw para sa booster shot, nilalangaw ang vaccination centers.

Sayang ang ipinambili sa mga bakunang ito kapag nagkataon at walang dapat sisihin diyan kundi ‘yung mga taong gobyerno na masyadong bilib sa China at doon namili ng sangkaterbang supply.

Kung binili ng P6.50 ang isang doses ng bakunang iyan, ang nakatakdang masayang na pera na inutang pa sa ibang bansa P175.5 million. Sayang.

178

Related posts

Leave a Comment