BALIKBAYAN BOXES NA INABANDONA NG ALLWIN CARGO, MARAMI PA RING NAWAWALA

RAPIDO NI TULFO

PATULOY kaming nakatatanggap ng mensahe mula sa mga OFW natin sa bansang Dubai, UAE.

Marami pa umano sa kanilang pamilya ang hindi pa natatanggap ang mga bagaheng inilabas ng Bureau of Customs, ilang buwan na ang nakalilipas.

Hanggang ngayon kasi ay nagtataka pa rin ang inyong lingkod kung bakit nanalo sa bidding ng balikbayan boxes ang Association of Bidders of the Bureau of Customs (ABBC), sa pangunguna ni Robert Uy.

Sa pagkakaalam ko ay tanging ang mga inabandona ng mga “may-ari ng container” ang dapat na isinasailalim ng bidding para makadagdag sa pondo ng gobyerno ang perang malilikom.

Sa kaso ng mga inabandonang balikbayan boxes, bayad ang mga OFW na nagpadala ng mga bagahe at kasalanan ito ng kanilang forwarder o cargo company.

Imbes na tulungan ay lalo lang nagkawalaan umano ang mga bagahe.

Marami rin naman ang mga na-ideliver ng ABBC sa mga pamilya ng OFWs na nagpawis na mapuno ang mga kahon bago ipadala sa Pilipinas, pero marami rin ang mga nawawalang bagahe lalo na ang mga may lamang TV at iba pang mamahaling gamit.

Noong unang hawak ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) ang pamamahagi ng mga kahon ay sandali lamang ang inabot at naipamahagi na agad ang mga ito.

Ngayong hawak naman ng ABBC ang pagde-deliver ay marami pa rin kaming natatanggap na reklamo dahil hindi pa naide-deliver at hindi raw maituro ng ABBC kung nasaan ang kanilang bagahe.

Ilang beses naman tayong nagtangkang makipag-usap kay Customs Dir. Michael Fermin pero hindi na ito sumasagot. Gusto kasi natin malaman kung bakit sa ABBC at hindi sa DDCAP ibinigay ang inabandonang mga bagahe. Sabi tuloy ng ilang OFWs, tila ang lakas naman daw ng ABBC kay Dir. Fermin. Paano natin malalaman kung ‘di naman tayo sinasagot ni Direktor.

357

Related posts

Leave a Comment