2025 budget minasahe ng mga ‘VIP’ AFP SINAKRIPISYO SA KAPRITSO NG MGA KAALYADO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MATINDING pagmasahe ang nangyari sa panukalang national budget sa susunod na taon kaya maraming ahensya ang magsasakripisyo kabilang na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Sa Senado, binatikos ni Senador Imee Marcos ang tinawag niyang kawalan ng transparency sa inaprubahang panukalang 2025 budget at sinabing may mga himalang nangyari.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Marcos na nagkaroon lamang ng unang meeting ang bicam panel noong November 28 at nasundan ng ikalawa at huling pulong noong December 11.

Kinahapunan ng December 11 ay niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicam report kahit hindi pa ito naiimprenta at hindi pa naipaliliwanag sa mga mambabatas.

Iginiit ni Marcos na ilang senador ang hindi lumagda sa bicam report dahil nagulat sila sa mga nakasaad dito.

Kabilang na ang paglobo ng budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa P1.1 trillion dahil sa mga VIP o various infrastructure projects o sa kanyang pasaring na Very Important Party-list.

Nanindigan si Marcos na labag ito sa konstitusyon dahil hinigitan nito ang kabuuang budget ng education sector.

Binanggit din ng senador ang pagpopondo ng P26 bilyon sa Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program o AKAP at ang paglobo ng pondo para sa Medical Assistance for Indigent Patients ng Department of Health.

Kinuwestyon din niya ang pagtapyas ng P50 bilyong pondo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, pagtanggal ng subsidiya sa PhilHealth at pagbawas ng P15 billion sa AFP Modernization Program.

Hanggang ngayon anya ay minamasahe pa ang budget na tinawag niyang kahiya-hiya.

Nanawagan ang mambabatas na ibalik sa bicam panel ang panukalang budget at huwag munang lagdaan ng Pangulo hangga’t hindi maayos.

Nauna nang inakusahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang 2025 national budget na pagsunod sa interes o kapritso ng Pangulo at kanyang mga kaalyado.

“Tuloy, nangangamoy maling prayoridad ang badyet na ito. Sa halip na tiyakin ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan, pinili ng bicam na protektahan ang interes ng Pangulo at ng kanyang mga kaalyado. Ang pera ng bayan ay para sa bayan, hindi para sa bulsa ng iilan,” pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro. (May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

1

Related posts

Leave a Comment