SA pinaigting na kampanya ng AFP Western Mindanao Command laban sa illegal firearms lalo ngayong nalalapit na Barangay at SK Election, ay kusang-loob na nagsuko ng 27 undocumented loose firearms ang ilang barangay chairman sa 13 Special Geographic Area (SGA) barangays ng Midsayap at Aleosan, North Cotabato.
Kabilang sa mga isinurender ang 3 sniper rifles, M14 rifle, 3 Garand rifles, 8 cal .45 pistols, shotgun at iba pang high powered firearms, na tinanggap nina Brig. Gen. Donald Gumiran, commander ng 602nd Infantry Brigade; Lt. Col. Rey Rico, Commanding Officer ng 34th Infantry Battalion; at Police Lt. Col. John Miridel Calinga, Chief of Police ng Midsayap Municipal Police Station.
Ang 20 sa mga ito ay nasa kustodiya ng 34th Infantry Battalion habang ang 7 iba pa ay nasa Midsayap MPS para sa proper disposition.
Kasabay nito ang paglagda ng mga punong barangay sa ‘pledge of commitment’ para sa maayos at mapayapang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Ayon kay Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Roy Galido, hindi titigil ang pamahalaan sa pagsamsam sa loose firearms upang maiwasan ang alinmang election-related crimes.
Samantala, pinag-aaralan ngayon ng Commission on Elections na ilagay sa COMELEC control ang munisipyo ng Malabang sa Lanao del Sur matapos ang pamamaril ng isang tauhan ng LGU sa lugar noong Sabado sa paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nakatakda itong pagdesisyunan ng COMELEC En Banc sa lalong madaling panahon.
Natukoy na rin aniya ng Comelec kung sino ang nagpaputok ng baril at pinag-a-apply na ng komisyon ng warrant of arrest ang Philippine National Police (PNP).
Bukod dito, kakasuhan din ng COMELEC ng paglabag sa gun ban, illegal discharge of firearms, at alarm and scandal ang nagpaputok ng baril gayundin ang mga pulitikong sangkot sa pagpigil ng COC filing.
(JESSE KABEL)
265