9 TULAK LAGLAG SA CAVITE BUY-BUST

CAVITE – Swak sa kulungan ang siyam na hinihinalang tulak matapos makumpiskahan ng mahigit P200,000 halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan.

Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ng hapon noong Martes nang magsagawa ng buy-bust operation ang Imus City Police sa Brgy. Anabu 1-E, Imus City na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas “Michael” at “Ricardo” at nasamsam ng 25 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P170,000.

Dakong alas-9:30 naman ng gabi noong Martes nang madakip sa buy-bust operation ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Dasmariñas City Police si alyas “Danilo” sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, at nasamsam 3.80 gramo ng shabu na may street value na P26,220.

Tinatayang 2 gramo ng shabu na may street value na P13,600 ang nasamsam kina alyas “Pare” at “Ariel” sa buy-bust operation ng Bacoor City Police sa Looban St., Brgy. Sinbanali, Bacoor City dakong alas-12:05 ng madaling araw nitong Miyerkoles.

Sa General Trias City, arestado naman sina alyas “Justine” at “Jhaymart” sa buy-bust operation ng Gen. Trias City Police dakong alas-12:40 madaling araw nitong Miyerkoles sa Brgy. Pasong Camachile 1, Gen. Trias City at nasamsam ang 0.42 gramo ng shabu na may street value na P2,856.

Tinatayang 1 gramo ng shabu na may street value na P6,800 ang nasamsam naman kina alyas “Ben” at “Chard” matapos maaresto sa buy-bust operation ng Bacoor City Police dakong alas-2:30 ng madaling araw nitong Miyerkules sa 2nd St., Tabing Dagat, Brgy. Poblacion, Bacoor City.

(SIGFRED ADSUARA)

54

Related posts

Leave a Comment